Laro Ngayon
(Smart -Araneta Coliseum)
8 p.m. Meralco vs Ginebra
Kings, babawi sa Bolts; three-peat kay Fajardo?
Kung determinado ang Meralco Bolts na masilayan ang liwanag sa tugatog ng tagumpay, ngayon ang tamang pagkakataon upang magpakatatag at tuluyang pahinain ang ‘never-say-die’ Ginebra Kings.
Tangan ang 2-1 bentahe, walang puwang ang kahinaan para makausad nang tuluyang ang Bolts para sa minimithing unang kampeonato sa natatanging pro league sa Asia.
Nakatakda ang Game 4 ng best-of-seven championship series ng OPPO-PBA Governors Cup ganap na 8:00 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.
“We’re getting closer to where we want to be,” pahayag ni Meralco coach Norman Black sa post-game interview matapos makuha ng Bolts ang 107-103 panalo sa Game Three nitong Miyerkules ng gabi.
”We really wanted to take game 3.Offensively we had a lot more patience,” aniya.
Para kay Kings coach Tim Cone, balik ensayo at pag-aaral ang Kings upang malapatan nang agarang lunas ang malaking kakulangan sa depensa.
“Defensively, we weren’t good,” pag-aamin ni Cone.
“I was upset from the first minute onward. I was upset for 48 minutes. I just don’t think we played to our identity.
If we forgot it, then we’ve got to remember it in a hurry,” aniya.
Hindi naman itinanggi ni import Justin Brownlee na naungusan sila ng karibal, ngunit handa umano ang Kings na makabawi sa mas madaling panahon.
Nagsalansan si Brownlee ng caree-high 40 puntos, tampok ang ala-Stephen Curry three-pointer na nagpalapit sa iskor sa huling 12 segundo.
Samantala,pormalidad na lamang ang hinihintay para maitala ni San Miguel Beer slotman Junemar Fajardo ang kasaysayan sa 41-taon ng liga sa inaasahang pagkopo sa ikatlong sunod na Most Valuable Player (Leo Awards) na ipahahayag bago ang laro.
Tangan ng 6-foot-10 Gilas Pilipinas veteran ang pangunguna sa statistical points at kailangan lamang ang porsiyento sa voting mula sa media, kapwa player at PBA officials para maitala ang ‘three-peat’. (Marivic Awitan)