Itinakda ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagsasagawa ng taunang elite sports competition na Philippine National Games sa buwan ng Mayo.
Inihayag ito mismo ng PSC sa kanilang website matapos na una nitong ipaalam sa ginanap na National Consultative Meeting sa harap mismo ng mahigit 160 sports administrator sa buong bansa sa PhilsSports Arena ang pagsagawa ng torneo na tampok ang mga pambansang atleta sa Disyembre 1-5 sa Dumaguete City.
Wala pang eksaktong lugar na siyang paggaganapan ng torneo na nakatuon sa pagdiskubre ng mga bagong atleta na posibleng pumalit sa mga miyembro ng pambansang koponan pati na rin sa petsa at kabuuang bilang ng mga paglalabanang sports.
Una nang itinakda ang pagsasagawa ng PNG na susundan ng Philippine National Youth Games (PNYG)-Batang Pinoy sa Disyembre 8 hanggang 13.
Nais ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na ihalintulad ang PNG sa isinasagawa kada taon na China Games kung saan tanging ang mga pinakamagagaling na atleta sa bawat probinsiya o lungsod ang kanilang isinasabak sa mga event.
“It will be like the Olympics of China dahil ang sasali lang talaga ay iyung pinakamagaling na atleta ng isang lungsod o probiinsiya. We really like to pattern the PNG dahil most of the winners ng China Games ay nagiging medalist kapag lumaban na sa Olympics,” sabi ni Ramirez. (Angie Oredo)