AYON sa tiyuhin ni John Wayne Sace na si Alfredo Sumalinog, stable na ang kalagayan ng aktor na nabaril sa Pasig City noong gabi ng Lunes, October 10.
Ayon pa sa tiyuhin ng teen actor, gumagamit diumano ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang pamangkin ngunit hindi ito lulong at lalong hindi ito pusher.
Wala rin daw siyang ideya kung bakit napuntirya si John Wayne ng mga hindi pa nakikilalang gunmen.
Nasa watch list ng Pasig City Police si John Wayne at ang kaibigan nitong namatay sa naturang pamamaril na si Erik Sabino. Lumutang na rin ang kanilang pangalan sa Oplan Tokhang noong Agosto 27.
Sa panayam kay John Wayne ng TV Patrol, nilinaw ng aktor na hindi niya kasama o hindi sila magkasama ni Eric nang gabing iyon. Galing siya sa isang convenience store at papunta sa isang computer shop.
“Meron akong pinsan na ‘yun ‘yung kaibigan ni Erik na tumawag sa’kin para humingi ng slurpee na iniinom ko, wala pa akong five minutes na nakatayo doon, ‘yun na. Kung ako po ‘yung target, hindi po nila ako bubuhayin,” pahayag ni John Wayne..
Tungkol naman sa pagkakasali ng kanyang pangalan sa drug watch list, sinabi ng aktor na napilitan na lamang siyang sumuko sa Oplan Tokhang dahil hindi umano siya tinitigilan ng mga pulis.
“Ilang beses na akong binabalik-balikan sa bahay hanggang sa ginigising na nga nila ako kahit tulog pa ako. Isipin mo po ‘yun?” kuwento niya.
May banta na raw sa kanyang buhay pero hindi niya ito ipinaalam sa kanyang inang si Juliet Niones na nagpahayag namang, “Two weeks o three weeks ‘yan si John Wayne may dumaan ditong may sinasabi na, ‘Oh, buhay ka pa pala...’
Binabantaan siya. (Sabi pa niya) ‘Hindi ko napagsabihan ‘yung anak ko na ‘wag didikit kay John Wayne’,” sey ni Aling Juliet.