HULING bahagi ng dekada ‘60, teenager na ako, nang makahalubilo ko sa aming lugar sa Solis, Tundo, Maynila ang mga kaibigang pumasok sa bisyo ng ilegal na droga. Karamihan sa kanila ay galing sa nakaririwasang pamilya. Kung may galing man sa grupong mahirap, bitbit lang sila ng mga ka-barkadang anak-mayaman na siyang gumagastos sa bisyong ito.

Hindi biro ang drogang bisyo noon. Napakamahal nito at kinakailangang mga de-kotse pa ang bumibili nito sa mga piling lugar. Alam ko dahil ilang beses din akong nakasama sa pag-score ng aking ilang barkada sa ‘di ko na matandaang lugar. Palasak na rin noon pa ang bisyong ito sa buong mundo – ang totoo nga gaya-gaya lang naman sa kanila ang mga kabataan dito sa atin – at parang kabahagi pa nga ito ng mga pagpo-protesta noon ng mga kabataan laban sa pakikialam ng mga Kano sa giyera sa ibang bansa, gaya ng giyera sa Vietnam. Lilinawin ko lang – ni minsan ay hindi ako tumikim nito.

Ilan sa mga kaibigan kong ito ay namatay nang marahas at karamihan naman ay pumasok sa rehab. May pambayad naman kasi sila sa mga nagsulputang pribadong rehabilitation center sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila dahil nga sa pagdami rin ng mga adik na anak-mayaman.

Ang bisyong ito ay unti-unting kumalat sa mga lugar ng masa nang maging barya ang presyo ng shabu sa pagdami ng supply. Maraming pulitiko, militar at pulis ang “namantikaan” sa pera ng ilegal na droga kaya dumulas ang pasok ng kontrabando sa mga coastal town na hawak na ng mga sindikato. Sa dami ng drogang pumasok, kailangang mas maraming gumamit para mabenta kaya ang mga lugar ng mahihirap ang napagtuunan nila ng pansin.

Enterprising ang mga drug lord, hinikayat nilang maging “runner” ang mga kabataan sa mga lugar na ito na agad naman kumagat dahil may malaking kita na, may bisyo pa. Hindi nagtagal ay naggayahan ang iba pa nilang kalugar sa paggamit ng shabu na natuklasan nilang p’wede rin pa lang pamatid-gutom sa buong maghapon. Ito ang tunay na dahilan kaya ‘di kataka-taka ang biglang pagdami ng adik sa... mahihirap na lugar sa buong bansa.

Ayon nga sa ilang pulis na nakausap ko hinggil sa ‘Oplan Tokhang’, sila mismo ay nagugulat din sa dami ng mga batang sumusuko at gustong magpa-rehabilitate sa kanilang pagiging sugapa sa shabu. Ang problema- wala pang malinaw na programa ang pamahalaan para sa kanila – at ang nakababahala rito ay ang pagbabalik-kalye nila.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)