Ikinahihiya umano ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang banggaan nina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, kung saan muntik nang magsuntukan ang dalawa kamakalawa ng hapon sa Kamara.
“Well, nahiya ako, nahiya ako,” reaksyon ni Alvarez sa inugali ng dalawang mambabatas, ngunit wala umano siyang planong ipatawag ang mga ito.
“I think nasa Ethics committee na ‘yun, sila na ‘yung bahala dun. They’re old enough para maintindihan ‘yung ginawa nila.”
Una nang sinabi ni Pichay na maghahain siya ng reklamo laban kay Barbers sa House Committee on Ethics, samantala humingi naman ng paumanhin sa publiko si Barbers.
Nag-uugat ang soplahan ng dalawa sa isinasagawang debate hinggil sa panukalang amiyenda sa 1987 Constitution.
Nais ni Pichay na imbitahin ang mga senador para sa panukalang Constituent Assembly (Con-Ass), kung saan nang sumabat si Barbers ay sinopla siya ng una. Doon na sinabi ni Barbers na walang sense at stupid ang mosyon ni Pichay.
Nang ideklara ang recess, nilapitan ni Barbers si Pichay ngunit mabilis na naawat ang muntikang suntukan ng mga ito.
Kahapon, si Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na ang hinirang na chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, kung saan pinalitan nito si Southern Leyte Rep. Roger Mercado. (Charissa M. Luci)