Ilang dating sports leader na pawang nagsipagwagi sa Kongreso ang nagpahayag ng pagkabahala sa anila’y kakulangan ng mga kwalipikadong leader para mamuno sa Philippine Olympic Committee (POC).

Anila, ang pananahimik at tila kibit-balikat na pananaw sa pagbabago sa POC ay sumasalamin lamang sa antas ng mga sports leader na kasalukuyan ngayong namumuno sa ibang ibang sports association.

“Dati sa dami ng mapagpipilian, nahihirapan kami kung sino ang susuportahan. Ngayon, matatapos na ang deadline sa pagsumite ng kandidatura, wala pang naglalakas loob at ang masakit walang maiturong panlaban,” pahayag ng opisyal na tumangging pangalanan.

Aniya, malaking epekto sa kasalukuyang pulitika sa POC ang personal na pakikialam ni POC President Jose ‘Peping’ Cojuangco sa internal affair ng mga national sports association (NSA).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

‘Sa totoo lang, sa panunungkulan ni Mr. Cojuangco, maraming NSA ang pinakialaman para masiguro na yung mga kaalyado niya ang magiging lider. Kahit walang gulo, ginawang magulo para palabasin na kailangan ang POC intenvention,” pahayag ni dating athletics chief Go Teng Kok.

Ayon kay Go, naging zarzuela ang eleksiyon sa ilang sports tulad ng archery, badminton, billiards, wrestling, bowling, karate, at volleyball para masigurong makukuha ni Cojuangco ang boto.

‘lahat hand-picked, kaya ano aasahan mo sa mga ‘yan, hindi na yan kikibo,” sambit ni Go.

Ngunit, umaasa si Go na marami pa ring sports lider ang nagnanais ng pagbabago at hinikayat niya ang mga ito na magkaisa para labanan ang liderato ni Cojuangco.

Tahasang sinabi ni Cojuangco, naluklok sa POC noong 2004, ang paghahangad para sa ikaapat na termino bilang lider ng Olympic body sa gaganaping eleksiyon sa Nobyembre 25.

Ayon sa isang opisyal, ilang grupo ang nakikipag-usap kay Congressman at Integrated Cycling Federation of the Philippines president Abraham “Bambol” Tolentino para hamunin sa puwesto si Cojuangco.

Wala pang opisyal na pahayag dito si Tolentino. (Angie Oredo)