NANG manumpa sa tungkulin si Pangulong Duterte at ilahad ang kanyang inaugural address sa Malacañang noong Hunyo 30, kabilang sa mga pinakaprominente niyang panauhin ay si dating Pangulong Fidel V. Ramos. Pagkatapos niyang magtalumpati, nilapitan ng Pangulo si FVR upang pasalamatan ito sa pagsuporta sa kanya noong eleksiyon.
Matapos na magdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague laban sa pag-angkin ng China sa South China Sea sa kasong inihain ng Pilipinas, lumapit si Pangulong Duterte kay FVR at hiniling dito na magtungo sa China upang makipag-usap sa mga opisyal na Chinese para matukoy kung ano ang mapagkakasunduan ng dalawang bansa kaugnay ng nasabing desisyon.
Ganito mailalarawan ang malaking respeto ni Pangulong Duterte kay dating Pangulong Ramos. Kaya naman masasabing nakagugulat nang sa kolum ni FVR sa Manila Bulletin nitong Linggo ay sinabi niyang ang bansa — ang Team Philippines — ay “losing in the first 100 days of DU30’s new administration — and losing badly.” Dagdag pa niya: “This is a huge disappointment and let-down for many of us.”
Agad namang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na pag-aaralan ni Pangulong Duterte ang inilahad na opinyon ni FVR, isang kagalang-galang at nakatatandang statesman.
Sa kanyang assessment, sinabi ni dating Pangulong Ramos na inaasahan ng mamamayan na tutugunan ni Pangulong Duterte ang pitong pangunahing suliranin ng bansa—ang maibsan ang malawakang kahirapan sa paglikha ng mga oportunidad ng trabaho at kabuhayan, resolbahin ang pagtaas ng mga bilihin, pagbutihin ang kalidad ng buhay upang magsilbing inspirasyon sa hinaharap, paigtingin ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan, ipagpatuloy ang prosesong pangkapayapaan sa Mindanao, simulan ang hakbanging lehislatibo sa pagbabago sa ilang bahagi ng Konstitusyon, pagbubuwis at iba pang reporma, at pagtataas sa morale ng mamamayan sa pagtanggap ng respeto mula sa komunidad ng mga bansa.
Sinabi niyang masyadong tinutukan ni Pangulong Duterte ang kampanya nito laban sa droga at nasangkot sa mga kontrobersiya dahil sa kanyang hindi magagandang pananalita at pang-iinsulto. Mistulang partikular na ikinababahala ni FVR ang “off and on” na mga pahayag ng Pangulo sa ugnayan ng Pilipinas at United States.
Sa huling trust survey na isinagawa ng Social Weather Stations noong Setyembre, nakakuha si Pangulong Duterte ng trust rating na +76, na inilarawan ng SWS bilang “excellent”, ngunit mahalagang tukuyin na bumaba ito ng tatlong puntos mula sa +79 trust rating sa kanya noong Hunyo. Masasabing masyado pang maaga para sa isang bagong administrasyon na kaagad bumaba ang tiwala ng mamamayan sa isang Presidente.
Nadomimahan ng kampanya kontra droga ang unang 100 araw ng bagong administrasyon. Sa kabila ng lahat ng batikos sa umano’y extrajudicial killings, determinadong ipinatupad ni Pangulong Duterte ang ipinangako niya noong kampanya na tutugunan ang kriminalidad, partikular na ang ilegal na droga, sa unang anim na buwan niya sa puwesto. Gayunman, ang pagpapahayag ng pagkabahala ni FVR ay marapat na humikayat kay Pangulong Duterte upang pagtuunan ng pansin ang maraming iba pang aspeto ng pamamahala na nangangailangan ng kanyang atensiyon at pagtugon.
Itinala na ni FVR ang pito sa mga ito, ang unang dalawa ay may kinalaman sa kabuhayan — mga trabaho—at halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Ito ang pinakapangunahing usaping pang-ekonomiya. Ito ang mga usapin na pinakamahahalaga sa karamihan ng mamamayan sa bansa sa ngayon.