COTABATO CITY – Nasa 23 barangay sa limang bayan sa Maguindanao na nasa mabababang lugar ang naapektuhan ng baha na dulot ng malakas na ulan sa lalawigan, nabatid kahapon.

Nalubog sa hanggang anim na talampakang baha ang mga barangay ng Solon at Tariken sa Sultan Mastura at nasira ang dike sa lugar, bukod pa sa 474 na pamilya o 2,370 katao ang apektado hanggang nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa report ng mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC).

Pinakilos na ng Humanitarian Emergency Response and Action Team (HEART) ng DRRMC ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang mga rescue worker nito upang maayudahan ang 34 na pamilyang na-trap sa kani-kanilang bahay sa dalawang na nabanggit na barangay.

Sinabi ni Myrna Jo Henry, information officer ng ARMM-HEART, na binaha rin ang siyam na barangay sa Montawal, anim sa Pagalungan, tatlo sa Shariff Sayedona, dalawa sa Salibo at tatlo sa Datu Piang, pawang nasa mabababang lugar at malapit sa apat na pangunahing ilog sa Maguindanao.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinag-utos naman kahapon ni Gov. Esmael Mangudadatu sa Maguindanao DRRMC na alamin ang kabuuan ng pinsala ng baha sa mga apektadong bayan at agad na magkaloob ng relief goods at serbisyong medikal sa mga binaha.

Pinamamadali na rin ng gobernador ang naantalang paghukay sa mga ilog sa Maguindanao. (Ali G. Macabalang)