TAUN-taong ipinagdiriwang ang World Sight Day tuwing ikalawang Huwebes ng Oktubre. Ngayong taon, natapat ito sa Oktubre 13, na may temang “Universal Eye Health” at may panawagang pagkilos bilang “Stronger Together” upang pagbuklud-buklurin ang mga grupo ng tao — mga ophthalmologist, optometrist, ophthalmic nurse, eye donor, pasyente, at nag-aaruga — na nagpupursige sa pangangalaga ng paningin para maipakita kung bakit mahalagang pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng mga mata. Mas maraming grupo — ang komunidad ng mga diabetic, ang mga bulag na hindi na malulunasan, mga lantad sa panganib, kabilang ang mga may kapansanan, pamilya ng pasyente — ang magtutulung-tulong upang mapaigting ang kampanya para sa mabuting kalusugan ng paningin.

Nakatuon ang okasyon sa pagkabulag at pagkakaroon ng problema sa paningin, gayundin sa mga paraan upang matulungan ang mga taong apektado ng kondisyong ito. Nagsasagawa ng ugnayan ang World Health Organization (WHO) at ang International Agency for the Prevention of Blindness, katuwang ang Lions Clubs International, para sa mga programa na nagmumulat sa target audience kung paano maiiwasan ang pagkabulag, at makakukuha ng suporta para sa “Vision 2020; The Right to Sight”, ang pandaigdigang inisyatibo para tuluyan nang matuldukan ang naiiwasang pagkabulag.

Inilunsad noong 1999, nagsisikap ang Vision 2020 na matuldukan na ang naiiwasan at nagagamot na pagkabulag pagsapit ng 2020. Pinagtibay sa mahigit 40 bansa, kabilang ang Pilipinas, isinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na paningin at lilimitahan ang epekto ng hindi nagamot na problema sa paningin sa buhay ng may taglay nito.

Batay sa estadistika ng WHO, nasa 285 milyong katao sa mundo ang may problema sa paningin, at 39 na milyon sa mga ito ang bulag at 246 na milyon naman ang malabo ang paningin; 90 porsiyento ng mga may problema sa paningin ay nasa papaunlad na bansa; 80 porsiyento ng mga problema sa paningin ay maaaring maiwasan o malunasan; 19 na milyong bata ang may problema sa mata; at 65 porsiyento ng may diperensiya sa paningin ay edad 50 pataas. Katarata ang pangunahing sanhi ng pagkabulag. Ang refractive error ay isang sakit na nahihirapan ang mata na tumitig sa liwanag, na ang pinakakaraniwan ay ang astigmatism, hyperopic (farsightedness), myopia (nearsightedness), at presbyopia. Dahil dumadami ang populasyon ng matatanda sa maraming bansa, nangangahulugan ito na mas maraming tao ang malalagay sa panganib ng pagkakaroon ng problema sa paningin na may kinalaman sa pagtanda.

Sa Pilipinas, 348,771 katao ang bulag; karaniwang sanhi nito ang katarata, retinal at macular diseases, optic nerve disease, glaucoma, at trauma. Nagtutulungan ang Department of Health at ang Philippine Academy of Ophthalmology para sa Vision 2020 Philippines upang matugunan ang naiiwasang pagkabulag, na bunsod ng katarata, errors of refraction, at pagkabulag noong bata. Ang naiiwasang pagkabulag ay karaniwang dinadanas ng mga walang access sa de-kalidad na pangangalaga sa mata; mas malaki ang posibilidad na mabulag ang mga tao sa mahihirap na bansa kumpara sa mamamayan ng mayayamang bansa.

Puntirya ng WHO Global Action Plan (2014-2019) na mabawasan ng 25 porsiyento ang kaso ng naiiwasang pagkabulag at problema sa paningin pagsapit ng 2019. Batay sa plano, nangangalap ang mga gobyerno ng mahusay na ebidensiya sa mga kaso ng pagkabulag; nagsasanay ng mas maraming eksperto sa pangangalaga ng mata; nagkakaloob ng komprehensibong eye care services at isinasama ang mga ito sa umiiral na sistemang pangkalusugan; at tinutukoy at inaalis ang mga balakid na panlipunan at pang-ekonomiya, partikular na para sa mahihirap at kapus-palad.