AMINADO si Vina Morales na magulo ang sitwasyon ng buhay niya ngayon sa sunud-sunod na demandang libelo na isinampa laban sa kanya ni Cedric Lee, ang ama ng anak niyang si Ceana.
Pero ipinagdidiinan ni Vina na nagsasabi siya ng totoo.
“Ang nakakalungkot lang talaga, dahil it started with me being open and honest of how I felt, at may ‘pinaglalaban ako,” sabi ng aktres. “Sana ‘yung desisyon na ‘yun will be in my favor kasi lahat naman ng sinasabi ko, totoo.”
Sabi pa ni Vina, wala namang tao na gusto ng gulo. Kaya sa tagal na raw naman niya sa showbiz ay walang napabalitang nagkaroon siya ng kaaway.
“Ayoko naman talaga ng gulo. Mahigit sa thirty years na rin naman ako sa business na ito at wala naman siguro kayong nabalitaan na naging kaaway ko. At ngayon lang naman talaga ako nagsalita at kailangan ko na rin namang magsalita para sa aming mag-ina.”
Hindi mabilang ni Vina ang libel cases na inihain ni Cedric laban sa kanya. May mga kaso rin daw si Cedric laban sa kasama niya sa bahay na tinakot diumano nitong ipapakulong kung hindi papayag na mabisita nito si Ceana.
“Pitong taon na rin naman kaming hiwalay. May kanya-kanya na kaming buhay. Naka-move on na ako ‘tapos all of a sudden, eh, bigla na lang ganu’n, hindi niya ibinalik ang anak ko for nine days.
“Kaya nga, hindi talaga p’wede na basta na lang ako tatahimik. Kaya ang sa akin lang, dapat na manggaling ‘yun sa korte kung talang seryoso siya sa sinasabi niyang pagbabago o hindi na niya magagawa ‘yun sa kapwa niya ulit,” sey pa ni Vina. (JIMI ESCALA)