Sakit na tuberculosis ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga preso sa iba’t ibang kulungan sa bansa, ayon sa International Committee of the Red Cross (ICRC).
Ayon kay Beatriz Karottki, health coordinator ng ICRC, kung pagbabatayan ang mga datos mula sa New Bilibid Prisons (NBP) noong 2015, nasa 540 inmates ang apektado ng sakit.
Sa Quezon City Jail naman, umaabot sa 285 ang preso na tinamaan ng tuberculosis.
Sa datos naman ng World Health Organization (WHO), apat hanggang limang inmates sa kada 100 ang apektado na ng sakit na TB.
Sa kabuuan, 30 Pinoy ang natutukoy kada oras na nagkakasakit ng TB sa bansa, kung saan 63 ang namamatay kada araw dahil sa nasabing sakit.
Ang TB ay sakit sa baga na nalulunasan naman sa loob ng anim na buwang gamutan. (Beth Camia)