Naiipit sa nagbabanggaang bato ang kaisipan ni Arellano University Chiefs ace pointguard Jiovani Jalalon – ipinapalagay na pinakamahusay na point guard sa collegiate rank sa kasalukuyan – kung papalaot na siya sa PBA o magsilbi sa bansa bilang miyembro ng National basketball team Gilas Pilipinas.
May nalalabi pang isang taon sa playing years sa NCAA ang 5-foot-9 playmaker.
“Hindi pa ako nakakapag-desisyon. Hindi ko pa alam kung anong mangyayari sa career ko,” may halong lungkot ng panghihinayang na pahayag ni Jalalon sa post-game interview.
Nawalis ang Chiefs ng San Beda Red Lions sa maiksing best-of-three title series.
“Wala pa sa isip ko na agad mag-pro, pero hindi ko pa rin alam kung babalik ako sa Arellano para subukan na maging kampeon muna. Basta magulo pa ang isip ko ngayon. Siguro kailangan ko pa ng oras para mas makapag-isip talaga,” aniya.
Hindi rin itinago ni Jalalon ang matinding sakit na nararamdaman sa natamo nilang kabiguan sa pangil ng Red Lions.
“Sobrang sakit na natalo kami,” aniya.
“Pero kahit natalo, ito kasi yung pinakamasarap na finals sa buong buhay ko. Wala namang kaming sisihan. Hindi lang talaga para sa Arelllano.Binigay naman lahat ng coaches pero sa aming mga players na lang ang pagkukulang.”
(Marivic Awitan)