please-crop_use-younger-dick-copy-copy

PUMANAW na nitong nakaraang Martes ng gabi ang beterano at mahusay na aktor na si Dick Israel, sa edad na 68.

Nakumpirma ang pagpanaw ng aktor, dakong 7:30 ng gabi kamakalawa, sa Facebook post ng Damay Kamay Foundation, isang samahan ng mga artista na tumutulong sa mga nangangailangang katrabaho nila sa entertainment industry.

Sa panayam ng DZMM nitong Martes ng gabi, kinumpirma ni Vivian Velez ang malungkot na balita matapos niyang makausap ang anak ni Dick.

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Si Vivian ay aktibong miyembro ng Damay Kamay at isa sa mga tumulong sa beteranong aktor nang matupok ng sunog ang bahay nito sa Caloocan City noong Hulyo. Matatandaang dumagsa ang tulong ng mga kapwa artista at ng publiko para kay Dick, na walang anumang naisalba sa trahedya maliban sa kanyang acting trophy.

Sa nasabing panayam, sinabi ni Vivian na batay sa kuwento ng anak ni Dick, sumuka ng dugo ang huli sa bahay nito bago binawian ng buhay.

Sa panayam naman ng DZMM sa anak ni Dick na si Essex Israel kahapon ng umaga, sinabi nitong may pumutok na ugat sa ulo ng ama na ikinasawi nito.

Sinabi rin ni Essex na ibuburol ang kanyang ama sa Saint Peter Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City, at plano ng kanilang pamilya ang libing ngayong weekend.

Ricardo Vizcarra Michaca sa tunay na buhay, dumanas ng stroke si Dick noong 2010 at halos nasaid na ang mga naipon niya sa pagpapagamot.

Kilala bilang mahusay na kontrabida, partikular sa role bilang rapist, at gumanap na kuwelang sidekick sa maraming pelikula, nagwagi siya ng Best Supporting Actor awards sa 1988 Metro Manila Film Festival para sa Patrolman at sa 1995 FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) para sa pagganap niya sa Kanto Boy 2: Anak ni Totoy Guapo.

Nagsimula ng kanyang career noong 1970s at huli namang napanood sa pelikula noong 2013, sa Boy Golden, na pinagbidahan nina Jeorge Estregan Jr. at KC Concepcion at idinirehe ni Chito S. Roño.