MATAGAL nang kontrobersiyal ang usapin ng same-sex marriage sa United States (US) at sa maraming iba pang bansa sa mundo. Noong Hunyo 26, 2015, nagpasya ang US Supreme Court sa botong 5-4 na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng magkakasintahang may kaparehong kasarian na magpakasal sa lahat ng 50 estado ng bansa. Binaligtad nito ang desisyon ng Supreme Court noong Hunyo 26, 2013 na nagdeklarang labag sa batas ang bahagi ng Defense of Marriage Act na nagsasaad na ang kasal ay isang legal na pagbubuklod sa isang lalaki at isang babae. Ngunit noong Enero 6, 2016, pinagbawalan ng punong mahistrado ng Alabama ang mga hukom ng estado na magpalabas ng marriage license sa magkakasintahang magkatulad ang kasarian. Hindi naman malinaw kung tumalima ang mga hukom ng Alabama sa nasabing utos.
Sa mundo ngayon, 20 sa 194 na bansa ang nagpapahintulot na sa mga same-sex couple para magpakasal, na ang unang seremonya ay idinaos sa Netherlands noong 2015. Ang 19 na iba pang bansa ay ang Belgium, Spain, Canada, South Africa, Norway, Sweden, Argentina, Ireland, Portugal, Denmark, Uruguay, New Zealand, Brazil, France, Luxembourg, United Kingdom, Iceland, United States at Columbia. Legal na rin ito sa ilang panig ng Mexico.
Sa Pilipinas, pinagdedebatehan ngayon ng mga opisyal ng gobyerno at mga lider ng mga relihiyon ang panukalang inihain ni Speaker Pantaleon Alvarez. Mahigit 150 mambabatas ang napaulat na nagpahayag ng suporta sa panukala na layuning pagkalooban ang mga magkasintahang may kaparehong kasarian ng mga karapatang tinatamasa ng mga mag-asawa sa larangan ng pagmamana ng ari-arian, pagpapasyang medikal at pag-aampon ng mga anak.
Inihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na pinamumunuan ni Archbishop Socrates Villegas, na may obligasyong moral ang mga Katolikong mambabatas upang tutulan ang panukala. Ang intensiyon ng pag-iisang-dibdib, ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, ay ang bumuo ng pamilya at magpalaki ng mga anak at ang mga magulang na may magkatulad na kasarian ay “not normal.”
Ang terminong “marriage” ang nasa gitna ng problema, kaya naman iginigiit ni Bataan Rep. Geraldine Roman na ang panukala ni Alvarez ay nagsusulong ng “civil union”, at hindi ng pag-aasawa. Ilang beses na tinukoy sa Bibliya ang pag-aasawa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at nakadetalye ang responsibilidad ng bawat isa. Sakaling makalusot ang panukala ni Alvarez sa Kongreso, dapat na linawin sa buong bansa na ito ay tungkol sa pagbubuklod na sibil na magpapahintulot sa dalawang tao na may kaparehong kasarian na mamuhay nang magkasama at magkaroon ng kaparehong mga karapatang legal gaya ng tinatamasa ng mag-asawang babae at lalaki.
Ngunit ang usaping legal ay bahagi lamang ng kontrobersiya. Bahagyang nakahiwalay sa usaping legal ay ang pagkilala sa pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan sa Pilipinas. Magiging epektibo ba ang pagpapalaki at pag-aaruga sa mga anak ng mga nasa same-sex civil union? Magkakaroon ba ito ng epekto sa mga tradisyunal nating pananaw sa iba pang kaugnay na usapin, gaya ng diborsiyo? Handa na ba tayong makihilera sa 20 bansa na nagpapatupad ng same-sex union — at lantarang talikuran ang paniniwala ng 174 na bansa na pinipiling manindigan sa tradisyon?
Ang panukala ni Alvarez ay bahagi ng pagbabago na nangyayari sa bansa natin ngayon. Pinakamainam na lantaran at malawakan itong talakayin upang matiyak na tunay ngang pagbabago ang ating hinahangad.