Mabibigo si Senator Leila de Lima na itayo ang kasong isasampa nito laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“I referred to (Justice) Secretary (Vitaliano) Aguirre regarding this matter and he said that the issue would not prosper,” ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella sa news conference sa Palasyo.

“Simply because the President enjoys immunity while in office,” dagdag pa ni Abella.

Magugunita na sinabi ni De Lima kamakalawa na maghahain siya sa Supreme Court ng ‘writ of amparo’ at ‘habeas corpus’, isang test case laban sa nakaupong Pangulo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang mga nasabing petisyon ay remedyo ng bawat indibidwal na nakokompromiso ang karapatan, buhay at seguridad.

Sinabi ni Abella na sa pamamagitan ng pagsubok sa doktrina ng ‘immunity from suit’, inililigaw lang umano ni De Lima ang atensyon sa kanya, lalo na’t nahaharap na siya sa kasong drug trafficking.

Desperado na

Desperado na umano si De Lima nang sabihin nitong dapat ay sa tanggapan ng Ombudsman isinampa ang kaso laban sa kanya, hindi sa Department of Justice (DoJ).

Ito naman ang inihayag ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) legal counsel Ferdinand Topacio, kasabay ng babala kay De Lima na hindi umano magagamit ng huli si Ombudsman Conchita Carpio-Morales para sanggain ang kasong kriminal na inihain laban sa kanya.

“The statement of Sen. Leila de Lima questioning the filing of the Drug Trafficking case against her and several other people before the Department of Justice (DoJ), shows her desperation and her lack of knowledge of legal processes,” ani Topacio.

Magugunita na si Delima ay kinasuhan ng drug trafficking. Bukod kay De Lima, kinasuhan din sina New Bilibid Prison (NBP) inmate Jaybee Sebastian, dating Justice Undersecretary Francisco Baraan III, dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Jesus Bucayu, dating aide ni De Lima na si Joenel Sanchez, dating drayber na si Ronnie Dayan, pamangkin ni De Lima na si Jose Adrian Dera, at umano’y bagman ni Bucayu na si Wilfredo Ely.

Dumepensa

Dinepensahan naman ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II ang usapin kung bakit sa DoJ isinampa ang kaso laban kay De Lima.

Ayon kay Aguirre, bukod sa Ombudsman na may mandato para mag-imbestiga sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, maaaring kumilos at magsagawa ng parehong hakbang ang Justice department dahil ito, aniya, ay concurrent o pwedeng magsagawa ng magkahalintulad at sabay na imbestigasyon.

Kumporme rin kasi umano sa complainant kung saan niya isasampa ang kanyang reklamo.

Dagdag pa ni Aguirre, bubuo ang kanyang ahensya ng three to five-man team para pangunahan ang imbestigasyon sa nasabing reklamo. (Genalyn D. Kabiling, Jeffrey G. Damicog, Beth Camia)