MULING tutungtong ngayong linggo sa It’s Showtime stage ang “best of the best” sa muling pagpapasikat ng nakaraang champions ng noontime show bilang bahagi ng pagdiriwang ng ikapitong anibersaryo ng show.

 

Nagsimula na noong Lunes (October 10) ang “Clash of Champions,” ang matinding showdown ng mga panalong grupo na naging bahagi ng makukulay na taon ng programa. Itinanghal na unang winner ang “Bida Kids” grand champion na Super Crew laban sa 2012 “Campus Clash” champion na CCP Bobcats.

 

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Itinampok naman nitong Martes ang “Bida Kabarkada” champion na Rizal Underground at tinalo ang “Todo BiGay” champion noong 2015 na Alab Poi. Kahapon naman nagtagisan ng galing ang 2011 “Showtime All-Star Barangayan” champion na True Colors at ang “Jambunganga” champion na HMN.

 

Ang “PINASikat” champion na Spyros at “Halo-Halloween” champion na Names Going Wild naman ang magbabakbakan ngayong tanghali. Huwag ding palampasin ang Showtime Season 4 grand champion na Astig Pinoy at ang “Inter-Town” competition champion na Bacolod Masskara sa kanilang tunggalian bukas.

 

Ang grupong panalo sa bawat araw ay mag-uuwi ng P25,000, base sa mga puntos na ibibigay ng mga hurado (60 points) at ng madlang people sa audience (40 points). Muli namang maghaharap-harap ang daily winners sa Sabado (Oct 15) para sa pagkakataong magwagi ng P100,000.

 

Samantala, pagkatapos naman ng isang linggong kantahan sa “Tawag ng Tanghalan” Quarter 3 semi-finals noong Sabado (October 8), napili na ng mga hurado at madlang pipol ang dalawang karapat-dapat na umabante sa kumpetisyon – sina Eumee Capili ng Bulacan at Noven Belleza ng Negros Occidental. Sila ang makakasama nina Gidget dela Llana, Maricel Callo, Marielle Montellano, at Pauline Agupitan sa grand finals ng kumpetisyon.

 

Tinututukan ng madlang pipol sa buong bansa ang matinding tapatan sa Quarter 3 semi-finals dahil ayon sa datos ng Kantar Media sa naturang araw, nagtala ang It’s Showtime ng national TV rating na 23.7% o sampung puntos na lamang laban sa nakuhang 13.2% ng Eat Bulaga sa GMA.

 

Huwag palampasin ang buong buwang selebrasyon ng It’s Showtime tuwing tanghali.