COTABATO CITY – Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Tourism (DoT) na disente ang magiging paggamit ng mga kandidata ng Miss Universe 2017 sa inaul upang pawiin ang agam-agam ng mga konserbatibong Muslim na posibleng ipalamuti sa sexy fashion ang kilalang Moro fabric.

“The Moro fabrics will be worn by the candidates of Miss U for their Charity Event (segment involving) long gown and casual attires,” paglilinaw nitong Martes ni Ayesha Mangudadatu-Dilangalen, kalihim ng DoT-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Pinili ng mga fashion designer para sa 2017 Miss Universe, kabilang si Renee Salud, na gamitin ang inaul sa prestihiyosong patimpalak makaraang bisitahin ang booth ng DoT-ARMM na nagtatampok ng makukulay na hinabing inaul.

Ang nasabing booth ng DoT-ARMM, na pinalamutian ni Dilangalen ng maraming tradisyunal na kasuotang Moro kabilang na ang mga kasuotang inaul, ay kinilalang “best booth” sa Philippine Travel Mart sa Metro Manila noong Setyembre 3-6, 2016.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umani ng positibong reaksiyon mula sa mga Muslim na opisyal ng gobyerno ang balitang gagamitin ang inaul sa Miss Universe pageant sa Enero 30, 2017, partikular ang mga nagsusulong sa tela bilang pangunahing pinagkakakitaan at simbolong pangkultura ng mga maghahabing Moro sa Maguindanao at Lanao del Sur.

Gayunman, ilang personalidad, kabilang ang academician na si Moner Bajunaid, ay nagpahayag ng pangambang baka gamitin ng designers ang telang inaul sa two-piece o sa swimwear ng mga kandidata, na mariing ipinagbabawal ng mga konserbatibong Muslim. (Ali G. Macabalang)