ust-copy

Tuloy ang atungal ng Tigresses. Walang makalapit sa trono ng University of Santo Tomas.

Nahila ng UST ang winning run sa apat na laro nang pabagsakin ang University of the Philippines, 28-26, 25-19, 25-18, nitong Lunes para makopo ang playoff para sa semi-final berth ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference sa Philsports Arena.

Nakihamok ng todo ang Lady Maroons, ngunit bigo silang pantayan ang determinadong ratsada ng Tigresses sa krusyal na sandali para panatilihin malinis na karta sa premyadong volleyball league sa bansa.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nanguna si sophomore spiker Carla Sandoval sa naiskor na 14 puntos sa Tigresses, habang kumana si EJ Laure ng 13 puntos at kumubra ng pinagsamang 19 puntos sina Marivic Meneses at Pam Lastimosa.

Naunang winalis ng España-based squad ang Air Force, Coast Guard at BaliPure.

Laglag ang Lady Maroons sa 1-2.

Nakabawi naman ang Pocari Sweat nang lunurin ang Philippine Coast Guard, 25-17, 25-9, 25-16.

Hataw si Michele Gumabao sa naiskor na 14 puntos para sa Lady Warriors, habang kumana ang American import na sina Andrea Kacsits at Bre Mackie ng tig-10 puntos.

“Sluggish start but the good thing is that the girls were able to regain their composure and win this very important game for us,” pahayag ni Pocari Sweat coach Rommel Abella.

“Well, I guess ‘yung communication namin and jelling of the team is not yet there,” aniya.

Bunsod ng panalo, nakatabla ang Open Conference champion sa Philippine Air Force at Laoag na nay 1-1 karta.

(Marivic Awitan)