SORPRESANG dinalaw ng actor ng Game of Thrones na si Liam Cunningham noong Martes ang binatilyong Syrian refugee na ngayon ay may hawak nang German visa at naninirahan sa Stuttgart, isang buwan pagkaraan ng kanilang unang pagkikita sa Jordan.

Unang nakilala ni Liam, gumaganap na Ser Davos Seaworth sa patok na medieval fantasy ng HBO, ang 16-anyos na si Hussam nang bumisita siya sa lungsod ng Irbid sa hilaga ng Jordan noong Setyembre, bilang bahagi ng proyekto ng World Vision charity upang mapalaganap ang kamalayan sa kalagayan ng refugees.

Bumisita rin ang Irish actor at ang kanyang British co-stars na sina Lena Headey at Maisie Williams, sa mga refugee camp sa Greece nitong unang bahagi ng taon.

Sinabi ni Hussam sa Reuters na siya ay “really happy, really happy” sa sorpresa ni Liam, at idinagdag na, “It is like seeing my father.”

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Tumakas si Hussam patungong Jordan nang tamaan ng missile ang kanyang eskuwelahan sa Syria habang kumukuha siya ng final exams.

“A plane shot the school with missiles. So, many students (and) my friends are dead and killed,” sabi ni Hussam.

Isa si Hussam sa mahigit apat na milyong Syrians na tumakas sa digmaan sa nasabing bansa, na nagsimula noong 2011 sa pag-aaklas ng marami laban sa pamumuno ni President Bashar al-Assad. Mahigit 300,000 katao na ang namatay sa digmaan, kalahati ng populasyon ang naitaboy sa kanilang mga tirahan at nawasak na ang halos lahat ng mga lungsod sa Syria.

Ayon sa World Vision, legal nang naninirahan ang ama ni Hussam sa Germany. Nanunuluyan ngayon si Hussam sa isang hotel sa Stuttgart kasama ang kanyang ina hanggang sa makahanap sila ng tirahan at nag-aaral nang magsalita ng German ang binatilyo.

Pinuri ni Liam ang Germany sa pagtanggap sa refugees na tumatakas sa digmaan sa kani-kanilang bansa.

“This is the result of somebody in the government here and the large heart that the German people have of accepting people in trouble,” ani Liam. (Reuters)