TAUNANG ipinagdiriwang ng Republic of the Equatorial Guinea ang Independence Day nito tuwing Oktubre 12 upang gunitain ang araw noong 1968 nang matamo ng bansa ang soberanya nito mula sa Spain. Ipinagdiriwang ang Independence Day sa buong bansa sa pamamagitan ng mga opisyal na talumpati at seremonya, makukulay na parada, pormal na salu-salo, mga pagtatanghal, at iba pang masasayang kaganapan. Ang pangunahing selebrasyon ay karaniwan nang idinadaos sa kabiserang lungsod ng Malabo.

Ang Equatorial Guinea, dating Spanish Guinea, ay isang maliit na bansa sa kanlurang baybayin ng Africa, sa equator.

Ito ang nag-iisang nagsasariling bansa sa Africa na Espanyol ang opisyal na wika. Binubuo ito ng Rio Muni at ng ilang isla sa Gulf of Guinea, na ang pinakamalaki ay ang Bioko (dating Fernando Po). Ang iba pang mga isla ay ang Annobon, Corisco, Elobey Grande, at Elobey Chico. Nakikihati ang bansa sa hangganan nito sa Cameroon. Ang Malabo, ang kabisera ng bansa ay nasa isang isla na nakaharap sa Nigeria at Cameroon. Maraming gusali sa lungsod ang nagtataglay ng estilo ng arkitekturang kolonyal mula sa panahong nasa ilalim pa ito ng kapangyarihan ng Spain, lutang ang malaking pagkakaiba sa mga modernong gusali na itinayo simula nang maging malaya ang bansa.

Kabilang sa mga lugar na magandang bisitahin sa Equatorial Guinea ay ang Cathedral of St. James Apostle at Our Lady of the Pillar sa Bata; ang St. Elizabeth’s Cathedral sa Malabo, na itinayo noong 1916 at may estilong Spanish-Gothic; ang Museum of Modern Art at ang isang museo na archeological-ethnographic sa Claretian Mission sa siyudad; at ang multi-purpose na Nuevo Estadio de Malabo. Maraming pasilidad at lugar para sa iba’t ibang uri ng palakasan, gaya ng naggagandahang dalampasigan sa Malabo at Luba; at may iba-iba ring lugar para sa snorkeling, pagbabangka at pangingisda.

Ang Equatorial Guinea ay kasapi ng United Nations gayundin ng iba pang mahahalagang organisasyong pangrehiyon tulad ng African Union. Pinananatili nito ang mabuting ugnayan sa mga kalapit nitong bansa.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republic of the Equatorial Guinea, sa pangunguna ni President Teodoro Obiang Nguema Mbasogo, sa pagdiriwang nila ng ika-48 Anibersaryo ng kanilang Independence Day.