Dalawang lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, ang isa ay katukayo ng singer na si Erik Santos, ang napatay ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) chief Police Sr. Insp. Rommel Anicete, si Santos, nasa hustong gulang, ng 741 S. Trinidad Street, Tondo, Maynila, ay napatay kasama ang isa pang drug suspect na si Armando Reyes, 28, delivery boy, ng 651 Villa Fojas St., Gagalangin, Tondo, Maynila, matapos manlaban sa mga awtoridad na nagtangkang umaresto sa kanila.
Samantala, arestado naman ang apat pang suspek na sina Joseph Alceso, 42; Jerry Boy Delima, 23; Bernardo Cabuhay, 29; at Julie Bautista, 35, na pawang mga residente ng S. Trinidad Street.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 7 laban sa mga suspek at nakahalata umano ang mga ito na pulis ang kanilang katransaksiyon hanggang sa nanlaban ang mga ito na nagresulta sa pagkakapatay sa dalawa.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang pakete ng shabu, dalawang .38 revolver, P200 marked money, at drug paraphernalia. (Mary Ann Santiago)