ANG ilegal na droga ay walang sinisino, walang sinasanto, kaya kalaban nating lahat ito. Ngunit ang ‘di makataong pagpatay sa mga taong gumagamit at nagtutulak nito ay hinding-hindi ko rin sasang-ayunan at ituturing ko ring kalaban dahil labag ito sa karapatang pantao—oo naman, kahit na ang maka-satanas na asal ay may karapatang pantao pa rin na dapat igalang nating lahat.
Gusto ko itong linawin dahil sa may mga natanggap akong text message galing sa ilan nating mambabasa na nag-aakusa na kung hindi raw ako isang adik ay siguradong protektor ako ng mga drug lord dahil palagi kong binabanggit sa kolum na ito ang hinggil sa mga ‘di mabilang na tinatakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada na biktima ng tinatawag na ‘extrajudicial killing’ o EJK.
Sabi nila sa text, dapat lamang daw na takpan ng diyaryo ang mga ito dahil maraming buhay at pamilya ang nasisira ng drogang ibinebenta ng mga pusher at ‘wag ko raw kampihan ang mga ito at baka masama raw ako sa matakpan ng diyaryo.
Wala akong natatandaan sa aking mga isinulat na kinampihan ko ang mga drug lord at hinding-hindi nila ako magiging kakampi hanggat may hininga pa ako. Ngunit hindi-hindi rin ako maaaring mangunsinti sa mga alagad ng batas na bumabale-wala sa ating karapatang pantao.
Konti lang naman ang mga pulis na sangkot dito, alam kong karamihan ay kagagawan mismo ng mga miyembro ng sindikato na umiiwas na maituro ng mga taong ginamit nila sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa bansa at sila ang mga tinutukoy ko. May alam ako hinggil sa mga kalakarang tulad nito— sa tagal ba naman na namuhay akong kasama-sama sa mga lakaran ay mga operatiba ng Philippine National Police (PNP), imposibleng wala akong matutunan sa kanila.
At hindi rin ako puwedeng maging adik – dahil kahit na pulbusin ninyo ang buong katawan ko at isailalim sa eksaminasyon, hanggang sa huling hibla ng aking selula, wala kayong mapipiga ni ga-hanip na patak ng droga, alcohol at nikotina sa akin dahil hindi ko bisyo ‘yang mga ‘yan. Sigurado ako,... (Dave M. Veridiano, E.E.)