michael-pangilinan-copy

MASAYA si Michael Pangilinan nang makakuwentuhan namin dahil bago raw matapos ang 2016 ay makakasama na niya ang anak niya.

Nasulat namin dalawang buwan na ang nakararaan na tatlong buwan nang hindi nakikita ni Michael ang anak dahil itinatago raw ng ex-girlfriend niya.

Kaya humingi ng tulong ang R&B singer sa abogado para sa legal action.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

“Magiging okay na po ‘yun bago matapos ang taon na ‘to,” sabi ni Michael nang makausap namin. “Makakasama ko na ‘yung baby ko. Ongoing pa rin naman po ‘yung nangyayaring usapan about my visitation rights.”

Nag-hearing na ba sila ng nanay ng anak niya?

“Malapit na pong dumating doon, ayaw ko po sana kasi abala, eh, sarado po siguro (isip) nila. Limang buwan ko na pong hindi nakikita ang anak ko,” malungkot na sabi ng mang-aawit.

Laging panalangin ni Michael na sana ay maayos na ang lahat alang-alang sa anak niya bagamat hindi naman siya nakalilimot sa obligasyon niya bilang ama ng bata.

“Actually po, lagi ako nagtatanong kung ano ang kailangan ng baby, hindi po nila sinasabi at saka ayaw nilang tanggapin ang sustento ko. Kaya wala po akong magagawa, pero may ginagawa naman ako para sa anak ko,” kuwento pa ng binatang ama.

Natawa kami sa sagot ni Michael nang tanungin namin kung may offer uli sa kanya para gumawa ulit ng pelikula o ng serye.

“Ayoko pong mag-artista, ang hirap, siguro first and last ko po ‘yung Pare, Mahal Mo Raw Ako. Hindi ko po talaga linya ang umarte, kakanta na lang ako.

“Sa serye, hindi ko alam kay Nanay (Jobert Sucaldito) kung meron, basta ako, ayoko pong umarte, kakanta lang ako,” diin ng singer.

Pero karamihan sa mga singer ngayon ay pinapasok na rin ang pag-arte dahil hindi naman laging may gig o shows.

“So far po, okay naman ako, hindi man ako sikat, hindi naman po ako nawawalan ng shows, sa isang linggo, nakakaapat naman ako o more pa, okay na ‘yun, nakakaipon naman po maski paano.

“Kaysa naman sikat nga ako, minsanan lang ang show, eh, di gutom din, kaya kuntento na po ako sa ganito. Kung mas aangat pa, eh, di maraming salamat. Hindi ko naman po minamadali ang sarili ko, basta steady lang po. Heto may 2nd album na so masaya kasi maski ang higpit ng kumpetisyon ngayon sa recording, hindi pa rin ako pinabayaan ng Star Music at ni Nanay (Jobert) na siyang producer ng album ko.

“Masaya ako kasi may sinulat akong kanta sa album ko, ‘yung Tanging Ligaya Ko. And the rest of the songs po, si Nanay na ang pumili. ‘Yung Hanggang Kailan po ang carrier song ko sa self-titled album ko,” kuwento ni Michael.

Napakinggan namin ang mga awiting nakapaloob sa album at gustung-gusto namin ang version ni Michael ng Ayoko Na Sana (Ariel Rivera), Tag-Ulan Tag-Araw (Hajji Alejandro), Everything I Own (Bread) at Kung Sakali (Pabs Dadivas). Kasama rin ang mga awiting Angels, Tayo Na Lang, Angel, Pare Mahal Naman Kita, Bakit Ba Ikaw, Crossroads at Parang Tayo Pero Hindi.

Nahasa na nang husto ang boses ni Michael at hindi naman niya itinatanggi na nati-threaten siya sa mga kasabayan niya sa kapareho niyang genre na R&B.

“Oo naman lalo na sa kasabayan ko tulad nina Daryl Ong, Jay-R, Kris Lawrence, lahat ng R&b singers. Everytime na naririnig ko sila, iniisip ko na dapat mas okay ako sa kanila.

“Walang masama sa pagiging competitive, mas okay ‘yun dahil malalaman mo kung kaya mo pang i-enhance ‘yung kakayahan mo sa pagkanta at para mangyari ‘yun, hardwork din. Lagi akong nakikinig ng mga runs, mga kulot para masanay ako.

“Pero hindi sila threat sa singing career ko kasi kung wala akong trabaho, eh, di wala, kung meron, eh, di meron,” paliwanag ni Michael.

Inamin ni Michael na gusto niyang sumali sa Cosmo Bachelor sa 2017, kaya pala ang laki ng pagbabago ng katawan niya ngayon.

“Actually po nagbago talaga ako, simula nag-gym ako, doon nawala ang sigarilyo, alak, puyat, labas-labas, kumain ng hindi magagandang pagkain like fatty food, bad carbs, more on healthy food po ako. Mas may disiplina po ako ngayon dahil sa gym.

“Plano ko kasing mag-Cosmo next year, totoo po ‘yan. Puwede akong mag-endorse na naka-topless ako.

“May abs na po ako, tama na ang six abs lang. Iba-iba po kasi ang abs, merong ten, merong eight, merong six.

“Kaya ko inaalagaan ang sarili ko kasi gusto ko pagtanda ko po, healthy pa rin ako, hindi katulad ng iba na iba na ang porma ng katawan,” sabi pa ni Michael.

Kumusta naman ang relasyon nila ng anak ni Gabby Concepcion na si Garrie?

“Doing good po, malapit na kami mag-one year, so far okay kami. Plano nga po naming magbakasyon out of the country this year. Mamimili po kami ng wakeboarding sa Hong Kong, ito po kasi ang kinahihiligan ko ngayon,” kuwento ng alaga ng Katotong Jobert.

Hindi pa sila nagkakakilala ng papa ng nobya.

“Wala pa po kasing time, busy po si Mr. Concepcion at busy din siya (Garrie), so siguro po bago matapos din ang taon,”sabi ni Michael. (Reggee Bonoan)