KABILANG sa mga pinakakapuri-puring tagumpay ng nakaraang administrasyong Aquino ay ang mataas na ratings na natanggap nito mula sa tatlong pandaigdigang credit rating agencies—ang Fitch Ratings, Moody’s Investor Service, at S&P Global Ratings. Pinuri ang Pilipinas at kinilala bilang isa sa mga pangunahing ekonomiya sa bahagi nating ito sa mundo, kasunod ng China. Dahil sa ratings, mas mababa ang interes na binayaran ng bansa sa utang na panlabas nito.
Umakit din ito ng mga dayuhang mamumuhunan, bagamat mas mababa pa rin ang antas kumpara sa mga kalapit bansa natin sa Southeast Asia.
Noong nakaraang linggo, nakipagpulong ang economic team ng Pilipinas — sina Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Banko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr., at Budget Secretary Benjamin Diokno — sa mga opisyal ng tatlong credit rating agency, gayundin sa ilang mamumuhunan mula sa Amerika at sa mga pinuno ng mga institusyong pampinansiyal sa Washington, DC.
Sa nakalipas na mga linggo, nagpahayag ng pangamba ang S&P — kasama ang United Nations, ang European Union, at ang United States — kaugnay ng kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga dahil na rin sa libu-libo ang naitalang nasawi, nadakip at sumuko. Sinabi ng S&P na malaki ang posibilidad na magkaroon ng credit rating upgrade ang Pilipinas sa susunod na dalawang taon dahil sa unpredictability at kawalang-katiyakan ng Pangulo sa mga polisiya nitong lokal at pandaigdigan. Sinabi nitong maaari pa ngang bumaba ang estado ng bansa kung mabibigo ang gobyerno na mapanatili ang pag-unlad nito sa ekonomiya.
Hangad ng economic team ng Pilipinas na mabago ang pang-unawang ito sa pagsasabing ang macro-economic fundamentals ng bansa ay nananatiling matatag at napanatiling buo ang polisiyang pang-ekonomiya ng nakaraang administrasyong Aquino.
Ngunit mahalagang mabatid ng mundo, ayon sa grupo, na ang pagkakamit ng credit upgrade ay pumapangalawa lamang sa prioridad ng bagong administrasyon, na maibsan ang kahirapan sa bansa, mula sa 26 na porsiyento ng populasyon ay gawin itong 17 porsiyento sa susunod na anim na taon.
Kaugnay nito, sinabi ni Finance Secretary Dominguez na bagamat hangad ng bansa na mapanatili ang pambansang pagsulong ng ekonomiya sa pitong porsiyento o higit pa, “we intend to make the economic growth more inclusive.” Magkakaroon ng mas maraming paggastos sa imprastruktura upang maiwasto ang hindi pa perpektong pag-unlad ng ekonomiya. Magkakaroon ng mahalagang pagpupursige para sa mas masiglang produksiyong agrikultural. Ang pangunahing layunin ay ang maipadama ang kasiglahan ng ekonomiya sa mamamayan.
Kinilala ang nakalipas na administrasyong Aquino sa mataas nitong credit ratings, dahil na rin sa tagumpay ng mga polisiyang pang-ekonomiya nito. Subalit pinulaan ito sa kabiguang maipadama sa lahat ang pag-unlad. Sa pagsisimula ng huling paghahalal ng presidente ng bansa, sinabi ni Pangulong Aquino na magsisilbing referendum sa kanyang mga nagawa ang eleksiyon, walang dudang nasa isip ang mataas na pagsulong ng Gross Domestic Product (GDP) at ang mataas na credit ratings. Ngunit ang masa, na hindi nararamdaman ang pambansang kaunlaran, ay bumoto para sa pagbabago na ipinangako ng kandidatong mula sa Mindanao, si Rodrigo Duterte.
Ipinatutupad niya ngayon ang polisiya ng pagbabago kaugnay ng kanyang kampanya laban sa droga. Umaasa ang bansa na sa lalong madaling panahon ay mararamdaman na ang polisiyang ito ng pagbabago sa paraan ng mga hakbangin upang maibsan ang kahirapan — gaya na rin ng idinetalye ng economic team ng bansa sa Washington, DC — at madama ang malaking kaginhawahan sa araw-araw na pamumuhay.