Limampu’t tatlong miyembro ng isang grupong kriminal na pinamumunuan ng isang kilabot na tulak sa North Cotabato, bitbit ang kanilang mga armas, ang naaresto ng militar, pulisya, katuwang ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa serye ng operasyon sa lalawigan noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Army Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), na nadakip sa nasabing operasyon si Madrox Masgal, at nasamsam ang ilang matataas na kalibre ng baril ng grupo ng huli, kabilang ang isang homemade barret, isang M16 rifle, dalawang homemade M79 grenade launcher, at mga bala.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng 602nd Brigade ng Philippine Army, Midsayap Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at MILF sa mga barangay ng Nabalawag, Kadingilan, Olamdang, Kadigasan at Tugal, pawang sa Midsayap, North Cotabato.

Si Masgal ang responsable umano sa pagkamatay ng ilang tauhan ng 45th Infantry Battalion at 7th Field Artillery Battalion, at pagpapasabog ng land mine sa 62nd Division Reconnaissance Company.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi naman ni Col. Noly Samarita, ng 602nd Infantry Brigade, na mahigit 700 miyembro ng MILF, sa ilalim ng 116th Base Command, ang aktibong tumutugon sa kampanya ng gobyerno laban sa droga. (Francis T. Wakefield at Leo P. Diaz)