Muling sinalakay ng riding-in-tandem na hinihinalang miyembro ng sindikato ng ilegal na droga at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawa umanong tulak sa loob mismo ng kanilang paboritong lugar sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.
Dead on the spot sina Rogelio B. Ebrada at Crisentio P. Nepomuceno, kapwa nasa hustong gulang, ng Valley 1 Barangay San Antonio ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jose Carumba, dakong 11:20 ng gabi nangyari ang
pamamaril sa Santa Maria Street, Saint Scholastica Valley 1 Bgy. San Antonio.
Bigla umanong sumulpot ang mga suspek sa lugar at pinaulanan ng bala ang walang kamalay-malay na mga biktima na agad bumulagta at nalagutan ng hininga.
“Nasa loob ng makeshift (isang drug haven) ang dalawang biktima nang mangyari ang pamamaril,” sambit ni Carumba.
Lumitaw sa imbestigasyon na sina Ebrada at Nepomuceno ay kilalang tulak ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
(Bella Gamotea)