Habang isinusulat ang balitang ito ay nag-aagaw-buhay ang isang negosyante matapos pagsasaksakin ng dating asawa ng kanyang kinakasama sa Malabon City, nitong Linggo ng hapon.

Nakaratay sa ospital Severo Luzon, 54, ng No. 25 Donya Juana Street, Barangay Potrero ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa tiyan at likuran.

Kaagad namang nadakip ang suspek na si Eddie Legal, 50, ng A. Pablo St., Bgy. Karuhatan, Valenzuela City.

Sa report ni PO2 Roldan Angeles, dakong 5:00 ng hapon, nagpapahangin sa labas ng kanyang bahay si Luzon at maya-maya pa’y dumating si Legal at tinanong ang una kung paano nito naging asawa ang dati niyang misis na si Cathy.

Isang dekada, kailangan para maisaayos educ crisis sa bansa—EDCOM2

Hindi umano nagustuhan ng biktima ang pagkumpronta sa kanya ng suspek hanggang sa magkaroon ng mainitang diskusyon.

Dito na inilabas ni Legal ang bitbit na patalim at inundayan ng saksak si Luzon.

Patakas na sana ang suspek ngunit naabutan siya ng mga tanod at inaresto.

“Siguro nagseselos itong si Legal dahil nakipaghiwalay na itong dati niyang misis kaya sinugod sa bahay at sinaksak ang biktima,” sambit ni PO2 Angeles.

Kasong frustrated murder ang kinakaharap ngayon ni Legal. (Orly L. Barcala)