“ANG ma-nominate ako ay isa nang malaking karangalan (Best Supporting Actress, for Ningning), pero ang ma-nominate ako na kasabay pa ang mga anak ko na sina Arjo(Atayde) as Best Supporting Actor (FPJ’s Ang Probinsyano) at Ria Atayde as New Female Actress (Maalala Mo Kaya) ay katumbas ng isang tropeong pagkapanalo na. Maraming-maraming salamat PMPC sa tiwala! Mabuhay kayo!”
Ito ang post ni Sylvia Sanchez sa kanyang Facebook account kahapon.
Nagulat si Sylvia nu’ng Sabado ng gabi nang malamang nominado silang mag-iina sa 30th PMPC Star Awards for Television na gaganapin sa Novotel, Araneta Center, Cubao sa Oktubre 23.
Speechless ang aktres na hindi sukat-akalaing makakasama sa mga nominado sina Arjo at Ria.
Inasam ba ni Ibyang na pag-artistahin ang mga anak niya?
“Ay, hindi! Kung pinangarap ko silang maging artista, eh, di sana mga bata pa lang hinulma ko na silang artista, hindi ko sila pinakain nang husto, ginutom ko sila para hindi sila naglakihan nang husto.
“Ilang taon ding nagi-gym sina Ria at Arjo, hanggang ngayon tuluy-tuloy pa rin ang workout nila para pumayat. Kaya hindi ko sila inambisyong mag-artista noon.
“Kasi nga, ayokong maranasan nila ang mga hirap na naranasan ko bago ako napasok ng showbiz, ang dami kong pinagdaanan. Kaya ayokong mangyari sa kanila ‘yun.
“At saka ang daddy (Art Atayde) nila, negosyo ang pangarap para sa kanila, tulungan nila ang daddy nila.
“Eh, ngayong malalaki na at si Ria graduate na, si Arjo humintong mag-aral kasi mas gustong mag-artista, hindi ko na sila maawat, kaya suportahan ko na lang sila.
“Mahirap kasi kung pipigilan ko sila, baka iba pa ang gawin, kaya sige na, sama-sama na kami rito sa showbiz mag-iina.
“Basta ang bilin ko lang talaga sa kanila, huwag na huwag silang gagawa ng mga bagay na ikasisira nila at dapat ma-respeto sila sa lahat ng tao, hindi lang sa mga kasamahan nila sa work, sa lahat in general.
“So far, wala naman akong naririnig na hindi maganda tungkol sa mga anak ko, kaya nakaka-proud din bilang nanay nila,” mahabang pahayag ni Ibyang.
May pangarap din si Ibyang na magkasama-sama silang tatlo sa isang serye o pelikula at ang kuwento ay aapihin daw ng magkapatid ang nanay nila.
“Gusto ko sana kaming tatlo, ang gusto ko family pa rin kami. Lalabas na katulong nila ako na hindi nila alam na nanay nila ako kaya nilalait nila ako, ha-ha-ha, mumurahin nila ako, aapihin nila ako, ha-ha-ha,” masayang sabi ng aktres.
Samantala, masayang ikinuwento ng bida ngThe Greatest Love na doble-dobleng respeto ang nararanasan niya ngayon kapag nasa labas siya dahil sa role niyang may Alzheimer disease na malalaman na ngayong araw sa programa.
“Dati kasi nu’ng sa Be Careful with My Heart, tawag sa akin ng lahat, Aling Teresita, ‘tapos magtatanong tungkol sa show. Nu’ng nasaNingning, Mamay Pacing naman ang tawag ‘tapos ‘tinatanong nila sa akin si Rommel(Padilla), kasi di ba ka-love team ko siya ro’n.
“‘Tapos dito sa The Greatest Love, Nanay Gloria ang tawag din at sinasabi nila na, ‘alam mo, pinapanood ka namin ng nanay ko, kasi gustung-gusto nila ‘yung show mo, kasi realidad, posibleng mangyari sa aming magulang ‘yun.’ Mga ganu’n ang kuwento nila.
“Nagpapasalamat sila kasi at least nalalaman daw nila ‘yung signs o sintomas ng pagkakaroon ng Alzheimer disease.
Kasi di bas a story ng TGL, unti-unti, pinapakita paano nagsimula at ano ang pagdadaanang hirap?
“Siguro nakaka-relate ‘yung iba at nalalaman na nila kung paano ang gagawin para magamot o hindi lumala o anuman.
“Nagpapasalamat nga rin sa ABS-CBN ang mga nakakausap kong mga senior citizen dahil nakakapanood sila ng ganitong kuwento,” kuwento ng aktres.
“Nakakatawa nga kasi nagugulat sila sa itsura ko, sabi nila, ang bata ko raw sa personal, sabi ko naman, kasi pinatatanda ako sa make-up ko sa show. ‘Yun ang comment lahat, ang bata ko raw.”
Balik-tanong kung paano magkaroon ng Alzheimer disease sa totoong buhay si Sylvia Sanchez.
“Naku, ‘wag naman sanang mangyari, hindi ko kakayanin na makalimutan ko ang pamilya ko, ang mga mahal ko sa buhay, hindi ko kaya, napakasakit no’n at para sa pamilya ko rin, masakit sa kanila, sinong mag-aalaga sa akin, alam ko nandiyan din sila para sa akin, pero mahirap, mahirap, hindi ko kaya. Knock on wood. Magkasakit na lang ako ng iba, ‘wag lang Alzheimer,” seryosong sabi ni Ibyang. (REGGEE BONOAN)