INARESTO si Shailene Woodley sa North Dakota noong Lunes habang nagpoprotesta sa pinaplanong pipeline na ayon sa Native Americans ay lalapastangan sa kanilang sagradong lupain at sisira sa kapaligiran. Naka-live stream ang pangyayari sa Facebook.
Dinampot ang 24-anyos na aktres dakong tanghali kasama ang 27 pang katao at inakusahan ng criminal trespassing at pagsali sa riot, ayon kay Rob Keller, spokesman ng Morton County Sheriff’s Office.
Ani Keller, hindi pa malinaw kung nasa kustodiya pa rin nila si Woodley o pinalaya na pagkatapos magpiyansa. Naganap ang protesta sa isang construction site na gumagawa ng pipeline na halos 3.2 kilometro patungo sa timog sa bayan ng St. Anthony.
Ibino-broadcast ni Woodley ang mga nangyayari sa Facebook Live, nang arestuhin siya. Isinalaysay niya ang pagkaaresto sa kanya, sinabing pabalik na siya sa kanyang sasakyan nang, “they grabbed me by my jacket and said that I wasn’t allowed to continue... and they have giant guns and batons and zip ties and they are not letting me go.”
Habang dinadala siya palayo nang nakaposas ang mga kamay, sinabi ni Woodley sa video na kabilang siya sa daan-daang nagpoprotesta ngunit siya ang pinag-initan, “because I’m well known, because I have 40,000 people watching.”
Bukod sa pag-arte ay kilala rin si Woodley sa kanyang environmental activism, at kamakailan ay sumali sa mga miyembro ng Standing Rock Sioux Tribe ng North Dakota para iprotesta ang panukalang pagtatayo ng $3.7 billion project.
Sumikat nang husto si Shailene sa Divergent series. Huli siyang napanood sa Snowden bilang si Lindsay Mills, ang girlfriend ng dating National Security Agency contractor na si Edward Snowden na nagpuslit ng mga detalye tungkol sa surveillance programs ng U.S. government noong 2013. (Reuters)