SAAN ka na papunta mahal kong Pilipinas ngayong si President Rodrigo Roa Duterte ay nagpapahiwatig ng kagustuhang magtatag ng bagong trade at commercial alliances sa China at Russia? Nang magpunta siya sa Vietnam, idineklara niya na ang 2016 Phl-US Balikatan Exercises na gagawin sa ‘Pinas ay magiging huling joint military exercise ng ating bansa sa US forces.

Ang deklarasyon kayang ito ay hindi na naman babaguhin tulad ng ilang mga pahayag niya noon na pabagu-bago?

Nahihirapan tuloy ang kanyang mga tagapagsalita at ang mga miyembro ng Gabinete na magpaliwanag tungkol sa mga isyu na kanyang inihayag. Ang pinakahuli ay hinggil sa pagbagsak ng halaga ng piso kontra US dollar na isinisi niya sa US, pero iba ang dahilan na ibinigay ni Budget Sec. Benjamin Diokno.

Marahil ay panahon nang magsagawa ng surveys ang Social Weather Station (SWS) at ang Pulse Asia tungkol sa layunin ni Mano Digong na kumiling at makipag-alyansa sa dalawang tradisyunal na kaaway ng US— ang China at Russia. Dapat pulsuhan ang sambayanang Pilipino upang malaman kung sang-ayon sila na “tumawid na sa Rubicon” si RRD sa kanyang pakikipag-ugnayan sa America.

Tandaan natin na ang termino ng isang pangulo ng bansa ay anim na taon lamang at pagkatapos nito, panibagong presidente ang mauupo sa Malacañang. Handa na ba ang nagdurusa at nagdaralitang Pilipinas na kumalas at makipag-diborsiyo kay Uncle Sam na kaytagal nang kaibigan, kaalyado at laging umaayuda sa mga Pinoy sa panahon ng kalamidad, sakuna, krisis at maging sa pagsugpo sa mga terorista?

Dapat ding magsagawa ng mga survey ang SWS at Pulse Asia kung hanggang ngayon ay bilib pa sila kay President Rody, tulad ng pagbilib sa kanya noong panahon ng kampanya dahil sa pangakong dudurugin ang illegal drugs sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, pupuksain ang mga kriminal, ipakakain sa isda ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, at isusulong ang tunay na pagbabago (Change Is Coming).

Sinabi niya noon sa taumbayan na siya ay magbibitiw sa panguluhan kapag hindi niya nasugpo ang ilegal na droga sa loob ng nasabing panahon. (Bert de Guzman)