ANO ang gagawin natin sa daan-daang libong lulong sa ilegal na droga na sumuko sa pulisya sa pangambang mapatay sila sa kampanya ng administrasyon laban sa droga? Nang simulan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang imbestigasyon nito sa usapin may isang buwan na ang nakalipas, iniulat ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police, na may 670,000 gumagamit at nagbebenta ng droga ang sumuko sa awtoridad, habang mahigit 11,000 ang naaresto, at halos 2,000 ang napatay.
Patuloy na tumaas ang mga bilang simula noon. Lumagpas na sa 3,000 ang bilang ng nasawi. Binanggit ni Pangulong Duterte ang bilang na ito nang sinabi niya sa mga Pilipino sa Hanoi, Vietnam, na siya ay magiging “happy to slaughter” ang tatlong milyong lulong sa droga sa Pilipinas “to save the next generation from perdition.”
Umani ng atensiyon ng mundo ang nasabing komento ng Pangulo dahil binanggit niya si Hitler ng Nazi Germany bilang ang pumaslang sa tatlong milyong Hudyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Humingi na siya ng paumanhin sa mga kasapi ng Jewish community sa Pilipinas, sinabing binanggit lang niya ang bilang na tatlong milyon kaugnay ng tatlong milyong adik na pinaniniwalaan niyang nasa Pilipinas ngayon.
Ang dapat na problemahin natin ngayon ay kung ano ang gagawin natin sa mga adik na ito. Ang pagkalulong nila ay sarili nilang problema; hindi nila kayang basta na lamang talikuran ang bisyo. Kailangan nila ng tulong ng rehabilitasyon. Matindi ang pinsalang naidudulot sa utak at ugali ng pagkalulong sa droga at malulunasan lamang ito sa tulong ng gamutan upang tuluyan silang gumaling mula sa pagkalulong.
Ngayon, mayroon lamang 60 rehabilitation center ang gobyerno sa buong Pilipinas, na ang buwanang singil ay umaabot sa P5,000 hanggang P10,000. Mas malaki naman ang sinisingil ng mga pribadong center—nasa P10,000 hanggang P100,000 kada buwan. I-multiply ang gastusing ito sa bilang ng mga adik sa bansa ngayon at ang resulta ay pumapalo sa bilyun-bilyong piso.
Naghain na ng panukala sa Senado si Senador Vicente Sotto III upang kilalanin ang mga bagong rehabilitation center at gawing benepisyaryo ng Philippine Health Insurance Corp. ang mga lulong sa droga. Gayunman, tinukoy ni PhilHealth President Alex Padilla ang malaking problema sa pondo. Kung mayroong 1.7 milyong drug dependent, aniya, nasa P30,000 ang kinakailangan para sa bawat isa sa kanila.
Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng survey ang Social Weather Stations (SWS) tungkol sa opinyon ng publiko sa iba’t ibang usapin makalipas ang 100 araw ng administrasyong Duterte. Sa survey, 84 na porsiyento ang nagsabing sila ay “satisfied” sa kampanya ng pangulo laban sa droga. Gayunman, nasa 71 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing “very important” na maaresto nang buhay ang mga suspek.
Sinasalamin nito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa buhay, kahit pa ng mga gumagamit o nagbebenta ng droga. Kung totoong mayroon nang tatlong milyong adik sa bansa ngayon na napapabayaan o maaaring mamatay na lang sa pagkalulong nila sa droga, hindi ito magiging katanggap-tanggap para sa maraming Pilipino. Marapat na magpatupad ng isang programa sa rehabilitasyon at gawin ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang maisakatuparan ito, sa tulong ng mga samahang sibiko, relihiyoso at iba pang nagmamalasakit sa komunidad.