Hindi binabalak ng Pilipinas na lubusang tanggihan ang international aid kundi nais lamang ng gobyerno na bawasan ang pagsandal sa mga tulong na ito at alisin ang “mendicant’s mentality,” sinabi ng isang opisyal ng Palasyo kahapon.
Sa pagbawas sa pagsandal sa foreign aid, sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na maging “more patriotic” o makabayan at iwasan ang panlilimos ng tulong sa iba.
“We’re not doing away with international aid. We’re simply saying that we should not be dependent on these things,” paliwanag ni Abella sa panayam ng reporters sa Palasyo.
“He (Duterte) is really challenging our sense of patriotism. He’s challenging us to become more nationalistic, to be proud of who we are and not to go back and fall back on these dependencies,” dagdag niya.
Nauna rito ay hinamon ng Pangulo ang United States at European Union na bawiin ang kanilang mga tulong sa bansa, dahil kayang tumayo mag-isa ng Pilipinas. Naiinis si Duterte sa pagbabatikos ng western countries sa kanyang madugong kampanya kontra droga.
Gayunman ang mga komento ni Duterte tungkol sa international aid ay tinuligsa ng aktres na si Agot Isidro na tinawag ang Pangulo na “psychopath.” Sinabi ni Isidro na dapat magpasuri ang Pangulo dahil baka nababaliw na ito at dinadala sa pagkagutom ang bansa.
Sinabi ni Abella na malayang magbigay ng kanyang opinyon si Isidro.
“He mentioned that we tend to have a mendicant or a beggar’s mentality. We tend to be afraid about losing aid, when this is exactly what he wants to address, that we become independent, mentally, emotionally, internally,” ani Abella.
Ayon kay Abella dapat handang magsakripisyo ang mga Pinoy “so that we can establish our own independence, in terms of policy and not be dependent on foreign aid.” (GENALYN D. KABILING)