NAGDUDUMILAT ang bagong survey ng Social Weather Station: 84% ng mga Pilipino ang nasisiyahan sa kampanya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga. Dahil dito, binigyan naman ng mambabatas ng markang ‘A’ ang Pangulo na ikinatuwa rin ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang ilang alagad ng Simbahang Katoliko.
Subalit ang naturang survey at ang iba pang impresyon na may kaugnayan sa ika-100 araw ng panunungkulan ng Pangulo ay nagpagitaw sa isang katanungan: Hanggang saan naman kaya ang mga nagawa o performance ng mga miyembro ng kanyang Gabinete? Naging karapat-dapat naman kaya sila, at hindi naging pabigat, sa administrasyon?
May maipagmamalaki na kaya, halimbawa, ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na pinamumunuan ni Vice President Leni Robredo bilang Cabinet member? Mabigat ang tungkuling nakaatang sa kanyang balikat sapagkat nasa ilalim ng HUDCC ang lahat ng ahensiya na may kinalaman sa pabahay, tulad ng National Housing Authority (NHA) at iba pa.
Bilang housing czar, binisita na ni VP Robredo ang mahihirap, pinakinggan ang kanilang mga hinaing upang matiyak ang tulong na nais nila. Dinalaw na rin niya ang iba’t ibang relocation area at natuklasang hindi sapat ang kuryente at tubig sa naturang mga lugar. Dahil sa maikli pa lamang ang panahon ng kanyang panunungkulan, at wala pang sapat na pondo marahil, pag-inspeksiyon pa lamang ang kanyang nagagawa.
Hindi pa masyadong nakauusad ang Department of Transportation (DOTr). Ginigiyagis pa ito ng matinding problema sa trapiko na tila wala nang kalutasan. Tulad nga ng patutsada ni Speaker Pantaleon Alvarez: Natutulog sa kangkungan.
Maliwanag na ang tinutukoy ay mga opisyal ng naturang tanggapan. Isa pa, hindi pa naisasabatas ang hinihingi nilang Emergency Powers sa Kongreso.
Lalong hindi rin makausad ang Department of Justice (DoJ) dahil sa mistulang pagbabangayan ng mga stakeholders sa isinasagawang extrajudicial killings (EJK) hearing sa... (Celo Lagmay)