Isa na naman umanong tulak ng ilegal na droga ang hinihinalang ipinatumba ng sindikato makaraang barilin ng armado sa Parañaque City nitong Linggo.
Ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Patricio Jimenez, alyas “Boy Titay”, nasa hustong gulang, ng Lopez, Las Piñas City.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jose Carumba, dakong 5:30 ng hapon nangyari ang pamamaril.
Nakatayo umano ang biktima sa lugar nang sumulpot ang armadong lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan si Jimenez.
Base sa imbestigasyon, bukod sa pagiging tulak ng ilegal na droga, kilala rin umano si Jimenez bilang miyembro ng ‘Akyat Bahay’ gang. (Bella Gamotea)