BALETE, Batangas – Tatlong katao, kabilang ang truck driver, ang agad na nasawi habang 14 na iba pa ang nasugatan makaraang salpukin ng truck na kargado ng puting buhangin ang isang bakery sa palengke na nasa provincial road sa Barangay Poblacion sa bayang ito, nitong Sabado ng umaga.
Nasawi sina Lorena L. Igle, 51, may asawa, negosyante; Serapin Solomon, 56, STL agent at kapwa residente sa lugar; at ang driver na suspek na si Joseph Bergado Pinto, 28, taga-Bgy. West Tramo, Bacolor, Pampanga.
Sugatan naman sina Mercy Malabanan, sales lady; Carmelita Magpantay, 71, tindera ng isda; Araceli Apolinar, 53, negosyante; Faith Apolinar, 5; Maximo Zaraspe, 68; driver; Alfredo Manguiat, 62; Joseph Manguiat, 42, driver; Erwin Manguiat, driver; Liza Manguiat, 29; Zenaida Verzosa, vendor; Antonio Dimaano, 56, vendor; Cathy Panganiban, 30; Rogie Cabacungan, 24; at Kerwin Domingo, 19, pawang residente sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 7:15 ng umaga at bumibiyahe ang drop side truck (RKB-343) na kargado ng puting buhangin nang bigla itong mawalan ng preno hanggang tuluyang nawalan ng kontrol sa manibela si Pinto.
Napansin ito ng mga helper ni Pinto na sina Cabacungan at Domingo at mabilis na nagsitalon palabas ng truck na dire-diretsong sinalpok ang bakery ni Julius Agno.
Agad na nasawi ang tatlo sa mga biktima, habang naisugod naman agad sa Metro Lipa Hospital ang mga nasugatan, ayon kina PO3 Nemesio R. Marano, Jr. at PO2 Christopher Rosales Escabel. (Danny J. Estacio)