WASHINGTON (AFP) – Lumalabo ang kampanya para sa White House ni Donald Trump at nalalagas na rin ang kanyang mga tagasuporta sa mismong Republican Party dahil sa mga bastos niyang pahayag tungkol sa kababaihan na nakunan sa video na kumalat noong Biyernes.

Itinanggi ni Trump na nasa krisis ang kanyang kampanya, at idiniing hindi siya bibitaw sa karera.

‘’The media and establishment want me out of the race so badly - I WILL NEVER DROP OUT OF THE RACE, WILL NEVER LET MY SUPPORTERS DOWN! #MAGA,’’ aniya sa Twitter nitong Sabado. Ang hashtag ay tumutukoy sa kanyang campaign slogan na:

‘’Make America great again.’’

National

VP Sara sa Valentine’s: ‘Bigyan natin ng halaga ang pagmamahalan’

‘’A civil war is breaking out in the Republican ranks,’’ ‘’ sabi ni David Gergen, naging adviser ng apat na US presidents, sa CNN.

Mismong ang asawa ni Trump na si Melania ay nainsulto sa mga naging pahayag niya tungkol sa panghihipo sa kababaihan matapos silang ikasal noong 2005.

‘’The words my husband used are unacceptable and offensive to me. This does not represent the man that I know,’’ ani Melania.

Gayunman, hinimok niya ang mga botanteng Amerikano na tanggapin ang paghingi ng tawad ni Trump at suportahan ito.

Galit ang mga Republican sa napanood sa videotape. Nanawagan ang ilan na bumitaw na si Trump at hayaan ang kanyang running mate na si Mike Pence na pangunahan ang ticket ng partido. Ang iba naman ay pasimpleng iniurong ang kanilang endorsement.

Kabilang sa mga nag-urong ng suporta kay Trump, sina Pence, House Speaker Paul Ryan, isandosenang miyembro ng House of Representatives at tatlong governors na pawang Republicans, dating secretary of state at national security advisor Condoleezza Rice, Senator John McCain, Governor John Kasich ng Ohio, at Illinois Senator Mark Kirk.