Hindi kailanman maaaring tumahimik ang Simbahang Katoliko sa mga usapin ng estado, partikular na sa mga isyung naaapakan na ang moralidad ng tao, gaya ng same-sex marriage.
Ayon kay dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nakabatay sa Bibliya ang pakikialam ng Simbahan, kasama na rito ang reason at ethics, upang ipangaral kung ano ang tama at mali.
“Ang Simbahan, ang kanyang pamantayan, una sa lahat ay [‘yung] nakasulat sa Banal na Bibliya, ‘di puwedeng dagdagan ‘yun at bawasan. So as far as the church is concern that is the fundamentals of all the teachings and practices that the church has. Doon po nakabatay,” sinabi ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas. “May isa pa, ‘yung reason and ethics, what is right or wrong according to reason, that’s ethics. ‘Yung isa, according to faith that is moral, pagsamahin n’yo ‘to.
“Ang simbahan ba ay maaaring tumahimik kapag ang alam niya na hindi wasto, ayon sa etika at moral, ang isang gawain?
Hindi po maaaring tumahimik ang Simbahan ‘pagkat ang utos ni Hesus, teach the gospel to all nation, mangangaral siya magsasalita siya, makinig ka kung gusto mo, kung ayaw mo huwag mo. May katangian na mangaral ang simbahan, ayon sa ethics at moral,” paliwanag pa ni Cruz.
Kaagad namang nilinaw ni Cruz na iginagalang niya ang mga miyembro ng LGBT community at kinikilala rin ang karapatan ng mga mambabatas na ihain ang panukala sa same-sex marrige, ngunit hindi, aniya, akma na gawin o ipilit ang mali na maging tama, gaya ng pagpapakasal ng parehong babae at parehong lalaki. (Mary Ann Santiago)