SA bawat panahon, hindi na yata maiwasan sa Kongreso, lalo na sa Mababang Kapulungan, na may kongresista na sa halip na mag-isip at magharap ng matinong panukalang batas na pakikinabangan ng ating mga kababayan, ang ihaharap na panukalang batas ay hindi napapanahon at nagbubunga ng pagtatalo. Nasasabi tuloy ng iba, isang kahangalan, kababawan ng isip, hindi angkop sa ating bansa at kultura.

Hindi naman natin masisisi sapagkat sa Pilipinas, malaya ang bawat isa na magpakatalino at malaya ring magpakagago.

Isang halimbawa ang same-sex marriage o pagpapakasal ng parehong babae o parehong lalake na ipinanukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Ayon sa Speaker ay sinimulan nang balangkasin at umaasang mapagtitibay sa 17th Congress.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa bahagi pa ng pahayag ni Speaker Alvarez, sinabi niya na siya ang tatayong pangunahing awtor ng panukalang batas na magkakaroon ng mga pagtutol mula sa iba’t ibang sektor, partikular ang Simbahang Katoliko. Katwiran ni Speaker Alvarez, kung sa ikaliligaya ng third sex, bakit hindi natin sila suportahan.

Hindi nagkamali si Speaker Alvarez na may kokontra sa same-sex marriage sapagkat sa Kamara ay hati ang mga kongresista sa panukalang batas. Kabilang dito sina Quezon City Rep. Vincent ‘Bingbong’ Crisologo, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, at Navotas Rep. Toby Tiangco. May kanya-kanya silang paliwanag.

Ayon kay Rep. Crisologo, “I have been an advocate of the word of God”. Ayon naman kay Rep. Villafuerte, unahin muna ang divorce bill bago ang tungkol sa same-sex marriage. Para naman kay Rep. Tiangco, ang pagpapaangat muna ng buhay ng mahihirap ang unahin kaysa panukala ni Speaker Alvarez na hindi naman umano napapanahon.

Tutol at umalma ang Simbahan sa same-sex marriage na balak na isulong sa Kongreso. Binigyang-diin na kung puwede sa ibang bansa ang pagpapakasal ng parehong babae at parehong lalake, hindi nangangahulugang tama ito at nararapat ipatupad sa Pilipinas.

Tatlong Obispo rin ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa same-sex marriage. Sa pahayag ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, sinabi niya na ang kasal na itinatag ng Diyos ay binubuo ng isang babae at isang lalake. Iginagalang ni Bishop Ongtioco ang opinyon ni Speaker Alvarez na nagbabalak na isulong ang same-sex marriage, ngunit aniya, ang turo pa rin ng Simbahan ang kanyang pananaigin.

Sa pahayag naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, hindi lamang labag sa Divine Law ang same-sex marriage, kundi maging sa human at natural law. “The purpose of marriage is to have a family..kids but if the couple is of the same sex, the one who will suffer the most in this situation is their child because it’s not normal.”

Idinagdag pa ni Archbishop Arguelles na ang same-sex marriage ay labag din sa kultura ng mga Pilipino. Labag ito sa ating kultura. Ang same-sex marriage ay kultura ng America. Hindi ito nangangahulugan na kung puwede ito sa ibang bansa ay kailangang sumunod din tayo. Matindi rin ang pagtutol ni Malolos Bishop Jose Oliveros. Ayon sa Obispo, “It is not a matter of rights but rather a matter of what is contrary to the nature of marriage.”