Hindi pinipersonal ng Malacañang si actress Agot Isidro kahit na binanatan nito si Pangulong Rodrigo Duterte, matapos hamunin ng huli ang western nations na iatras na ang foreign aid sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella, nirerespeto ng Palasyo ang opinyon ni Isidro, ngunit nananatili ang posisyon ng Pangulo na bawasan na ang pagsandal ng Pilipinas sa tulong ng ibang bansa.
“While Ms. Isidro is entitled to her own opinion, we need to really hear what the President is calling Filipinos to do, which is be free from dependence on foreign aid, which is what the lady is fearful we will lose,” ayon kay Abella.
“The President is calling for Filipinos to be truly independent economically and mentally and psychologically,” dagdag pa nito.
Sa kanyang Facebook post, binakbakan ni Isidro ang Pangulo nang banatan ng huli ang Estados Unidos at European Union at hamuning putulin na ang assistance nila sa Pilipinas.
Hindi binanggit ng aktres ang pangalan ng Pangulo na pinapayuhan niyang sumailalim sa psychiatric treatment.
“May kilala akong psychiatrist. Patingin ka. Hindi ka bipolar. You are a psychopath,” ayon sa post ni Isidro.
Nag-viral ang post ni Isidro nitong Biyernes na mayroon nang lampas 12,000 likes at 4,307 shares hanggang kahapon, kung saan nakasaad pa ang mga katagang “Unang-una walang umaaway sa iyo. As a matter of fact, ikaw ang nang-aaway.”
Sinabi pa ni Isidro na “Kung makapagsalita ka parang superpower ang Pilipinas eh. At excuse me, ayaw naming magutom.
Mag-isa ka lang, wag kang mandamay.”
Magugunita na ang hamon ng Pangulo sa US at EU ay nag-uugat sa bantang iaatras na umano ng mga ito ang kanilang foreign aid dahil sa tumataas na bilang ng drug killings sa bansa.
“If you think it’s high time for you guys to withdraw your assistance, go ahead. We will not beg for it,” ayon sa Pangulo.
“Go away, bring your money to somewhere else. We will survive as a nation but there is always a day of reckoning,” dagdag pa nito.