“Unti-unti nila akong dinudurog sa mata ng publiko. Sinisiraan nila ng husto ang pagkatao ko, ‘yung pagkababae ko, dahil iniisip nila na the moment mag-succeed sila sa pagdurog sa aking pagkatao, character assassination, dine-demonize ho ako, wala na hong maniniwala sa akin diyan sa pinaglalaban ko—‘yung karapatang pantao, ‘yung against EJKs.”
Ito ang binigyang diin ni Senator Leila de Lima, kung saan minsan ay naramdaman niyang mag-isa na lang siyang lumalaban para hukayin ang katotohanan sa extrajudicial killings na bunsod umano ng kampanya laban sa ilegal na droga.
“Nanghihina na ako nu’ng the past weeks. Kahit on the surface nakikita n’yo na lumalaban ako, pero sa totoo lang, deep inside nanghihina na ho ako nang husto,” ayon sa Senadora. “I was really boiling inside. I was deeply hurting inside. Although, I tried na hindi pinapakita.”
Si De Lima ay idiniin ng mga testigo sa House Justice Committee sa illegal drug trade sa National Bilibid Prisons (NBP). Binusisi rin ang sex video umano nito at kanyang dating drayber na si Ronnie Dayan.
Si De Lima ay sinuportahan ng women’s group laban sa slut shaming.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa Kamara ngayon, inaasahan ang pagtestigo ni inmate Jaybee Sebastian.
Samantala dumalo man siya o hindi, tatapusin ng komite ang imbestigasyon, ayon kay Leyte Rep. Vicente Veloso.
“We will close the investigation kung talagang hindi siya pwedeng mag-appear no. Kasi we cannot compel him to appear under our power to compel kasi hindi mo na pwedeng ipakulong yong nakakulong na,” pahayag ni Veloso.
Ang attendance ni Sebastian ay ipinangako ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
(Leonel Abasola at Charissa Luci)