Tams, nakalusot sa pangil ng NU Bulldogs.
Naisalpak ni Monbert Abong ang krusyal na jumper sa kritikal na sandali para sandigan ang defending champion Far Eastern University sa makapigil-hiningang 57-56 panalo kontra National University kahapon sa UAAP Season 79 seniors basketball tournament second round sa MOA Arena.
Nasa bingit ng kabiguan 55-56, nakahulagpos si Abong sa depensa at mabilis na naisalpak ng lefty shooter ang 15-footer jumper para agawin ang isang puntos na bentahe.
May tatlong segundo ang nalalabi para mabaligtad ng Bulldogs ang sitwasyon, ngunit sumablay ang tira ni Alfred Aroga sa buzzer.
Tangan ng NU ang bentahe sa kabuuan ng second half at halos selyado na ang panalo sa huling 30 segundo, subalit nagtamo ng krusyal turnover ang Bulldogs may 12 segundo ang nalalabi.
Nagawang mapigilan ng NU ang unang pagtatangka ng FEU, subalit sa krusyal na sandali, tamang player sa tamang sitwasyon si Abong para makaulit sa Bulldogs na ginapi rin nila nitong Miyerkules sa pagtatapos ng first round elimination.
Bunsod ng panalo, nahila ng Tamaraws ang karta sa 6-2.