NAGING prominente ang mga tren sa mga plano ng administrasyong Duterte para sa bansa. Hindi mareresolba ang krisis sa trapiko sa Metro Manila hanggang hindi naisasaayos ang serbisyo ng mga pangunahing train system para sa mga taga-Metropolis—ang Metro Rail Transit (MRT) sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at ang Light Rail Transit sa Rizal Avenue at Taft Avenue.

Daan-daan libong nagtatrabaho sa mga opisina at pabrika ang araw-araw na umaasa sa serbisyo ng dalawang pangunahing train system na ito. Kapag nagkaaberya ang isa, gaya ng nangyari nitong Miyerkules nang maantala ang biyahe ng MRT dahil sa isa na namang aberya, libu-libong pasahero ang napipilitang pumila nang matagal sa mga istasyon ng tren.

Inaasahang sa tulong ng bagong administrasyon ay hindi na mapapadalas ang aberya sa mga tren gaya sa nakalipas na mga taon. Ngunit malinaw na hindi pa nareresolba ang problemang ito.

Kaya naman 100 araw ang nakalipas matapos ang bagong panunungkulan ay nananatiling buhul-buhol ang problema sa trapiko sa Metro Manila. Sa Kamara de Representantes, sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na itinuturing ng marami ang pagpapatuloy ng problema sa trapiko bilang negatibong marka sa mahusay na 100-araw na paglilingkod ng Pangulo. Sa Senado, sinabi ni Senador Grace Poe, chairwoman ng komite ng Senado na bumubusisi sa emergency powers na hinihiling ng Department of Transportation (DOTr), na dapat na kumilos na ang kagawaran at ipatupad ang mga kinakailangang hakbangin upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko habang hinihintay na maaprubahan ng Kongreso ang emergency powers.

Kabilang ang mga train system sa mga pangunahin at pangmatagalang proyekto ng gobyerno para sa buong bansa. Para sa 2017, naglaan ang administrasyon ng P25 bilyon upang papag-ibayuhin at palawakin ang serbisyo ng mga tren sa Luzon, kabilang ang P9.4 bilyon para sa North-South Rail Project mula sa Maynila hanggang sa Sorsogon, at ang P4.8 bilyon para sa MRT.

Naghain si Cebu Rep. Gerald Gullas, Jr., House deputy majority leader, ng panukala para sa konstruksiyon ng isang 71-kilometrong Cebu light rail transit at isang 2,000-kilometrong Mindanao train system na mag-uugnay sa mga pangunahing lungsod ng isla. Ang dalawang train system na ito ay magsisilbing mahusay na pambalanse sa bilyun-bilyong pisong ginagastos kada taon para sa mga tren sa Luzon, ayon sa kongresista.

Napakalaki ng mga nabanggit na proyekto sa Mindanao at Cebu kaya naman kinakailangan ang ayuda, gaya ng pangungutang sa gobyerno ng Japan. Nagpahayag ng pag-asa si Congressman Gullas na maisasakatuparan na ito sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.

Samantala, abangan natin ang pagtugon sa mga mas kinakailangang programa upang mapabuti ang serbisyo ng mga tren sa Metro Manila. May iba pang mga hakbangin na gagawin ang DOTr upang masolusyunan ang lumulubhang problema ngunit ang pinakamalaki ay ang pangangasiwa sa pinagbuting serbisyo ng mga tren sa Metro Manila upang mapagsilbihan ang daan-daan libong pasahero sa araw-araw na pagbiyahe ng mga ito upang mapanatiling masigla ang mga tanggapan, pabrika, eskuwelahan at iba pang institusyon sa kabiserang rehiyon.