SA Pilipinas, maraming Pinoy ang mahilig mag-imbento ng mga pangalan sa layuning magpatawa o pagaanin ang kalagayan sa buhay na dinadaluyong ng kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho. Mabuti raw ang tumawa na lang kaysa umiyak.

Sa Bibliya ay may itinuturing na Tatlong Hari o Three Kings. Sila ay sina Melchor, Gaspar, at Baltazar. Dahil dito, sumunod ang mga biro o imbento na mayroon pa rin daw iba pang mga KING. Kabilang dito ang Chow King, Tapa King, Burger King, at iba pang fast food chain na kinahuhumalingan ngayon ng mga mamamayan.

Mayroon din tayong tinatawag na Hari ng Droga o Drug Lord, Political King. May mga katapat daw ang mga King o Lord na ito, tulad ng Pork Barrel Queen at Drug Queen. Oo nga, sino nga ba ang Reyna ng Pork Barrel?

Kasunod ng mainitang pagtatalo nina Sen. Leila de Lima at DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II, sa tindi ng galit ng senadora bunsod umano ng pagwasak at pagyurak sa kanyang pagkatao at pagkababae ni President Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng pagdadawit sa kanya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang Kalihim dito, tinawag niya si Aguirre na “PELUKA KING”.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sinabihan niya si Aguirre na ang mga ebidensiya na inilalabas nito ay pawang mga peke (fake) gaya ng pagiging peke ng kanyang wig o toupee. Hubarin mo iyan, upang makita ng lahat na ang buhok mo ay peke, ani De Lima. Gawa-gawa lang daw ang mga ebidensiya laban sa kanya, kabilang ang pagpipresinta sa Kamara ng mga convicted inmate, tulad ni Herbert Colangco, na nagdidiin sa kanya sa ilegal na kalakalan ng droga sa NBP.

Itinanggi ni De Lima na siya ay isang Drug Queen o Sex Worker na ibig palabasin nina Duterte at Aguirre. Hinamon niya ang Pangulo na arestuhin na siya at ipakulong, ngunit nanindigan na hindi siya tatakas para pumunta sa ibang bansa dahil ipagtatanggol niya ang sarili sa sariling bayan. Hanggang kailan kaya matatagalan ni Sen. De Lima ang mga banat sa kanya ng Pangulo at ng mga kaalyado nito?

Samantala, isang journalist na miyembro ng Foreign Correspondents of the Philippines (FOCAP), ang nagsabi sa akin na kung sa Executive Branch ay may “Peluka King”, sa Legislative Branch naman ay mayroong “Peluka Prince”. Sino siya?

(Bert de Guzman)