Inaresto ng mga pulis ang umano’y Malaysian terrorist na nakikipag-ugnayan sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang raid sa kanyang tinutuluyan sa Quezon City.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Amin Aklam, isa umanong Malaysian na may kaugnayan sa isang international terrorist group.
Kinumpirma ni Chief Insp. Roque Merdegia, head ng Anti-Transnational Crime Unit, ang pagkakaaresto kay Aklam ngunit hindi na siya nagbigay pa ng karagdagang detalye.
Inaresto si Aklam sa loob mismo ng kanyang tinutuluyan sa 104 Cotabato Street, Barangay Culiat, Tandang Sora, dakong 4:00 ng umaga nitong Sabado.
Napag-alaman na ang naarestong suspek ay may arrest warrant sa kasong kidnapping at frustrated murder na naka-pending sa isang korte sa Sulu.
Kabilang din umano si Aklam sa listahan ng most wanted person na may kaugnayan sa ASG base sa direktibang inisyu ng Department of National Defense (DND) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ngayon, Lunes, nakatakdang iharap sa media si Aklam. (Aaron Recuenco)