Habang binubugbog ng ibang bansang kanluranin ang gobyerno sa madugong pagtugis sa mga suspek sa droga, binabalak naman ng China na magtayo ng mga karagdagang drug rehabilitation centers sa bansa, isang hakbang na pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng Pangulo na nagulat siya sa tulong ng China sa kanyang anti-drug campaign na walang anumang “publicity”.
Malapit nang makumpleto ang unang rehabilitation center na pinondohan ng Beijing sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
“The 1,500 (-bed) dormitory is about to be finished and they are promising for more,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa isang business forum sa Davao City noong Biyernes.
Nagpasalamat si Duterte sa tulong ng China sa bansa sa gitna ng kakulangan ng budget ng administrasyon para sa pagpapatayo ng mga rehabilitation facilities para sa mga drug addict.
“Four million drug addicts is no joke. We are not a rich country. It is only China who has helped us,” aniya.
“China is about to complete sub rosa. Walang hambog, walang news, neither any publicity, it’s about to be completed.
It would house 1,400 drug addicts in Fort Magsaysay,” dagdag niya.
Sinabi ni Duterte na hiniling niya sa militar na buksan ang kanilang mga kampo “to allow people who would want to donate rehab facilities.”
Kasabay ng pagpuri niya sa China, nagbitaw ang Pangulo ng maaanghang na salita laban sa United States at European Union na bumabatikos sa kanyang kampanya kontra droga “instead of helping us.”
Nagagalit siya sa pamumuna sa kanya ng US, EU at iba pang human rights groups na tila ba siya ay kanilang utusan. “I am not your servant. Do not do it to me. When I was mayor, you can criticize me… (Now) I am the President of the Republic of the Philippines,” he said.
Muling nagbanta si Duterte na puputulin ang ugnayan sa United States. “Assess yourselves because if you don’t, you will lose the Philippines and I assure you,” aniya. (GENALYN D. KABILING)