Dalawang katao ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa pangho-hostage ng isang janitor sa 12 katao sa loob ng restroom ng isang mall sa Dasmariñas sa Cavite, kahapon.
Kinumpirma ng Cavite Police Provincial Office na kabilang sa napatay ang hostage-taker na si Carlos Marcos Lacdao, 32, tubong Leyte at janitor sa mall.
Sa inisyal na ulat, dakong 11:00 ng tanghali kahapon nang makapagpuslit si Lacdao ng isang 12-pulgadang kutsilyo at binihag ang 12 katao sa loob ng comfort room sa ground floor ng mall.
“Hinahanap ang asawa at supposed lover ng kanyang asawa. Naka-shades, naka-backpack, very agitated siya. Nagmumura, sumisigaw, hinahanap ang supposed lover ng asawa,” sinabi ni dating Cavite Gov. Jonvic Remulla sa panayam sa kanya ng DZBB.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nagtatrabaho rin sa nasabing mall bilang bathroom attendant ang misis ng suspek.
Makalipas ang halos isang oras ng hostage-taking, nakatakas ang siyam sa 12 bihag pero sinaksak ni Lacdao ang isa sa mga ito na napuruhan at namatay bago idating sa ospital.
Habang nasa kalagitnaan ng pangho-hostage ay patuloy na nagmamatigas ang suspek kaya napilitan ang mga awtoridad na barilin ito, at tinamaan sa ulo at leeg na ikinasawi nito.