Naantala ang pagsikwat sa kasaysayan ng tambalan nina Cherry Rondina at Jen Gutierrez, ngunit kampeon pa rin sa pahina ng UAAP Season 79 women’s beach volleyball ang University of Santo Tomas tandem.
Matapos mabigo na maitala ang 10-game sweep tungo sa kampeonato, ratsada sina Rondina at Gutierrez para pabagsakin ang karibal na sina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng Far Eastern University, 21-17, 21-10, sa sudden death match.
Nakahirit ng winner-take-all Game Three ang tambalan ng FEU belles nang masungkit ng Lady Tamaraws ang, 21-17, 16-21, 13-15 panalo sa Game Two ng best-of-three title series.
Muling tinanghal na MVP si Rondina, top player noong Season 77.
Sa men’s division, matapos ang tatlong season na pagiging bridesmaid, nakamit sa wakas ng Tiger Spikers ang kampeonato nag gapiin nina Kris Roy Guzman at Anthony Arbasto ang tambalan nina Jude Garcia at Jeremiah Barrica ng Far Eastern University, 21-16, 21-16.
Nakumpleto ng UST ang impresibong 10-game sweep at double celebration para sa Espana-based belles.
Tinanghal na MVP si Guzman.
“Thank you kay God kasi hindi niya kami pinabayaan, alam ko binibigay niya ang pinakamabigat niyang challenge sa pinakamalakas niyang tao,” pahayag ni Guzman.
“Alam ko ‘yung three bridesmaid finish namin ‘yun ang nag-drive sa akin na magpush pa hanggang makuha ko ang gusto ko. Hindi namin inakala to, akala namin dream lang. Pero ‘yun nga basta gagawin mo lang mararating mo rin ‘yung dream mo,” aniya.