“HINDI po kriminal ang pamangkin ko,” seryosong sabi ni Epi Quizon na ang tinutukoy ay si Mark Anthony Fernandez.
“Kaya humihingi ako ng konsiderasyon sa mga kinauukulan na repasuhin muli ang kaso niya. Pero nagpapasalamat ako na naging maayos naman ang paghuli sa kanya. Tulad po ni Robin (Padilla), malaki’ng kasalanan namin kay Kuya Daboy (Rudy Fernandez), kung may masama pong nangyari sa kanya.”
Itinuring na ni Epi na pamangkin si Mark Anthony dahil naging malapit ito sa kanilang pamilya noong panahong magkasama ang kanilang amang si Dolphy at si Alma Moreno, ang ina ni Mark.
“Kaya para po rin lumaki siya na kasama namin. Mabait po si Mark, marespeto kahit noong bata pa siya, at naging close din kami kay Kuya Daboy. Ako, matagal ko siyang nakasama sa ilang shows namin noon. At kahit noon, ibinilin na niya sa akin si Mark. Huwag ko raw pababayaan dahil hindi na siya iba sa amin. Nagkataon nga lamang na hindi naiwasan ni Mark ang drugs.
“Pero ang masasabi ko, user po lamang siya, hindi siya pusher. Hindi po lamang siguro naiwasan dahil sa family problems kaya nagkaroon siya ng psychological and emotional imbalance.
“Kaya lungkot ang una kong naramdaman nang malaman ko ang nangyari kay Mark. Marami nga lamang akong questions sa nangyari, na sana ay ma-consider bago ipataw sa kanya ang mabigat na parusa.
“Kaya humihingi rin ako ng awa sa mga tao na huwag nilang husgahan agad si Mark, hihingi rin ako ng dasal na sana ay malampasan ito ng pamangkin ko.”
Si Epi ay kasama sa afternoon drama na Oh, My Mama at binati namin siya sa mahusay niyang pagganap bilang beki na nanay/tatay ni Maricel played by Inah de Belen. Kahit may ilang comedy scenes, more on drama scenes ang ginagampanan ni Epi. Alin ang mas madaling gampanan, magpatawa o magpaiyak?
“Mas gusto kong magpatawa kaysa magpaiyak. Ngayong ginagawa namin itong drama serye, may times na nadadala ko sa bahay ang eksena kong ginagawa sa taping, minsan mahirap iwala sa character ko, nalulungkot ako.
“Pero sa seryeng ito, I gained new friends, like Gladys Reyes na first time ko pa lamang nakasama, at itong tatlong bagets, sina Jake Vargas, Jeric Gonzales at ang new contract star ng GMA, si Inah de Belen na dugo talaga nina Janice de Belen at John Estrada ang nananalaytay. Nagpapasalamat din ako sa mga televiewers sa pagsubaybay nila sa aming serye pagkatapos ng Eat Bulaga.” (NORA CALDERON)