PROYEKTO ngayon ng Department of Tourism-Cordillera na libutin ang rehiyon ng Cordillera para sa promosyon ng indigenous at authentic foods sa bawat homestay at piling restaurant bilang karagdagang pang-akit sa mga turista na nais dumalaw sa rehiyon.
Layunin ng ahensiya na hindi lamang ang naggagandahang tourist spots ang kasabikan ng mga turista, kundi dapat din nilang hangarin na matikman ang masasarap na indigenous foods ng rehiyon.
Noong nakaraang Mayo, nagsagawa muna ng Cordillera Cuisine Enhancement Training Workshop ang DOT-Cordillera sa napiling accredited establishment, kabilang ang mga homestay at nakita ang matagumpay na pakikiisa at interes ng mga lumahok sa training sa pamamagitan ng pagpapakita ng kani-kanilang special menu ng Cordillera cuisine.
Bukod sa Cordillera culinary training ay kasabay ang pagtuturo ng DOT-Cordillera kung papaano mahihimok ang mga turista, lalo na ang mga foreigner na matikman ang putahe ng rehiyon.
Karamihan sa mga dumalo sa training ay homestay owners ng Kiangan, Ifugao, kaya napili ng ahensiya na sa naturang bayan ilunsad at isagawa ang kauna-unahang Cordillera Heritage Culinary Journey, nitong nakaraang Oktubre 3-5.
Anim na mga batikang chef, na ang apat ay kilalang instructors sa college of hospitality and tourism management sa University of the Cordilleras, isa mula sa University of Baguio at ang isa pa ay chef ng authentic Cordillera foods sa siyudad ng Baguio.
Bago sinimulan ang cooking demo, iginala muna ang chefs participants sa ipinagmamalaking tourist destination ng Kiangan, ang Open Air Museum, na may dalawang oras na trekking at matutunghayan ang simpleng pamumuhay ng mga Ifugao na nakatira sa nasasakupan ng museum.
Ipinamalas ng Kiangan Homestay Owners Association ang kanilang mga authentic and exotic food gaya ng inlagim chicken, appaku salad, pihing initum, pinunnog with itab, duck inlagim at aggudung, na labis na hinangaan ng mga bisita. Nagtapos ang programa sa paghahandog ng Ifugao song at katutubong sayaw ng homestay owners.
Labis namang ikinasiya ni DOT Regional Director Venus Tan ang matagumpay na paglulunsad ng proyekto na nagresulta ng magandang ehemplo upang maisulong ang turismo, lalung-lalo na sa pamamagitan ng indigenous foods ng Cordillera.
Ang proyekto ay hindi lamang nagpapakita ng kaalaman sa mga indigenous culinary cuisine o pagtatanaw sa mga magagandang yaman sa turismo ng isang lugar, kundi maging sa pagiging magiliw at maalaga ng mga Cordilleran sa mga bisita. (RIZALDY COMANDA)