MARAMI talagang fans ang FPJ’s Ang Probinsyano at nakita namin mismo sila sa nakapalibot na pila sa buong Smart Araneta Coliseum para mapanood ang 1st year anniversary concert ng aksiyon-serye nasabing ni Coco Martin nang dumating kami sa area ng 4:30 PM.
Nu’ng nasa gilid kami ng Novotel ay napansin naming may mahabang pila at sinundan namin, patungo pala sa Red Gate ng Big Dome at pagtingala namin ng connecting hallway ng Gateway Mall hanggang Farmers ay may pila rin pababa rin sa nasabing entrance.
Akala namin ay doon na nagtapos, hindi pa pala dahil may karugtong pala ang pila patungo naman sa Green Gate sa tapat ng Shopwise. Nakakaloka ang supporters dahil hindi sila nagpapigil sa ulan samantalang ‘yung iba ay walang dalang payong.
Talagang nagtiyaga silang maghintay kung kailan sila papasukin.
Granting na libre ang tickets, pero kung hindi ka naman din interesadong manood ng show ay hindi ka magtitiyagang pumila ng ilang oras habang umuulan para mapanood ang anniversary concert ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Pagpasok namin sa loob ng coliseum ay sakto, full house ito at ang wala lang tao ay ang likod ng entablado at ‘yung gilid na wala ka nang mapanood na pinagpuwestuhan na rin ng TV cameras.
Grabe ang hiyawan ng bawat kampo ng fans, nakakabingi talaga, pero mga disiplinado naman dahil wala naman kaming narinig na binash nila ang ibang kampo.
Nag-showdown ang Hastags sa pangunguna ni Mccoy de Leon sa latest dance craze at ang Probinsyano Boys na sina John Prats, Pepe Hererra, Marvin Yap, John Medina, Michael Roy Jornales, Lester Llansang, Marc Arcueza, Marc Solis, Benj Manalo, at Arjo Atayde na kumanta’t sumayaw sa awitin ng Hagibis na Katawan, Nanggigil, at Legs.
Sila ang may pinakamalakas na hiyawan mula sa pinakatuktok ng Smart Araneta Coliseum hanggang sa Patron section bukod sa production numbers nina Coco Martin, Onyok, Macmac, Albert Martinez, Paulo Avelino, Richard Yap, Janella Salvador, Elmo Magalona, McCoy/Elise Joson, Maja Salvador, Vina Morales, Agot Isidro, Ayen Munji-Laurel at Vice Ganda.
Riot ang production number nina Vhong Navarro, Pepe, Onyok at Coco habang kumakanta ng Don Romantico, Pamela One at Totoy Bibo. Nag-showdown sila sa paggiling at maski na hindi dancer ang bida ng Ang Probinsyano ay hindi siya nagpatalo.
Anyway, sa Nobyembre pa ang kaarawan ni Coco pero may advance celebration na ito dahil binigyan siya ng tribute ng mga taong natulungan niya lalo na ang mga staff and crew ng programa niya na kapag walang tapings ay walang kita at pinagbibigyan ng aktor sila ng pedicab na nagagamit nilang panghanapbuhay para sa pag-araw-araw na gastusin.
Gayundin ang mga kasamahang artista sa showbiz na si Julio Diaz na ilang beses na palang naoperahan at ang direktor na si Nick Olanka at mga hindi kilalang tao na lubos na nagpasalamat kay Coco lalo na ang mga estudyanteng taun-taon ay hindi nakakalimutang bigyan ng aktor ng gamit pang-eskuwela.
Ang dami-dami na pala talagang naging teleserye ni Coco sa ABS-CBN dahil kinanta nina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Vina, Ayen, Kyla, Agot ang theme songs ng bawat programa ng aktor tulad ng Tayong Dalawa, Nagsimula sa Puso, Tonyong Bayawak, Kung Tayo’y Magkakalayo, Idol, Minsan Lang Kitang Iibigin, Walang Hanggan, Juan de la Cruz at Ikaw Lamang.
Si Gary Valenciano naman ang kumanta ng theme song ng FPJ’s Ang Probinsyano na ‘Wag Ka Nang Umiyak.
Halos iisa ang wish ng lahat kay Coco dahil nga narating na niya ang tuktok ng tagumpay, nabili na niya ang lahat para sa pamilya at sarili, may mga natulungang tao, may investments, kaya iisa na lang daw ang kulang, ang lifetime partner niya.
Sabi nga ng Lola Susan Roces ni Coco, “Sana makita mo na ang lifetime partner mo. At habang buhay pa ako gusto kong makita ang mga little Coco.” Naghiyawan to the max ang nasa loob ng Smart Araneta Coliseum sa sinabing ito ng movie queen.
Siyempre, nakakabingi rin ang hiyawan ng TIMY fans sa production number ng cast na sina James Reid, JC Santos at Nadine Lustre na Friend of Mine.
Nag-promote rin sina Angel Locsin, Zanjoe Marudo at Sam Milby para sa pelikulang Third Party na mapapanood na sa October 12 handog ng Star Cinema.
Nang bigyan ng bulaklak ni Coco si Angel, nagpahayag siya sa dalaga ng, “Gel, hindi namin isasara ang Ang Probinsyano hangga’t hindi ka nagi-guest” at naghiyawan na naman ang fans, grabe.
Sinamantala na rin ni Coco ang pagpaalala kay Direk Olive Lamasan at kay Ms. Malou Santos, ang Star Cinema’s chief operating officer na nanonood sa harapan, “Inang, heto na kami, oh, ‘yung pangako n’yo (movie) po. Kumpleto na kami, 4 na kami (kasama sina Zanjo at Sam).”
Labis ding nagpasalamat si Ms. Susan Roces, ang maybahay ng namayapang si Fernando Poe, Jr. sa pagbibigay halaga ng ABS-CBN management sa pangunguna ni Ms. Charo Santos-Concio (ang nakaisip na gumawa ng programang magbibigay halaga sa mga pulis) sa mga pelikula ni Da King at kung walang Coco Martin ay hindi maipalalabas ang FPJ’s Ang Probinsyano sa telebisyon.
Ang finale ng anniversary concert ng FPJ’s Ang Probinsyano ay ang pagpapakilala sa buong staff, crew at creatives na sinamahan ng buong cast kasama na ang direktor na sina Avel Sunpongco, Malu Sevilla at ang business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Mr. Roldeo Endrinal.
Maganda ang show, hindi tinipid at pinaghandaan ng bawat artistang kasama at ang hindi lang nagkaroon ng production number ay sina Mr. Eddie Garcia, Jaime Fabregas at Ms. Susan Roces.
Ang magkasintahang Robi Domingo at Gretchen Ho ang host ng event. (REGGEE BONOAN)